Advertisers

Advertisers

LINIS AT MABILIS NA PAGLIKAS, SANDATA NG MAYNILA SA HABAGAT

0 4

Advertisers

Hindi man maiiwasan ang malakas at tuluy-tuloy na ulan, may isang bagay na kayang paghandaan ng isang lungsod—ang epekto nito.

At sa halos isang linggong pambubuhos ng habagat sa Maynila, lumitaw ang resulta ng paghahanda ng pamahalaang lungsod sa ilalim ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso.

Hindi ito tungkol sa pagyayabang na walang baha. Hindi rin naman natin maikakaila na may mga lugar na binaha at may mga residenteng kinailangang lumikas.

Ang mahalaga, hindi hinayaang lumala ang sitwasyon.

Isa sa mga naging sandigan ng lungsod ang lingguhang paglilinis at declogging na ipinapatupad sa ilalim ng Executive Order No. 3.

Sabado nang sabado, maaaring paulit-ulit na tingnan ang paglilinis—kalkal, sipsip, sako, tapon.

Boring, kung tutuusin.

Pero sa panahon ng matinding ulan, doon makikita ang halaga ng mga gawaing madalas nating minamaliit.

Kapag malinis ang kanal, mas mabilis ang daloy ng tubig. Kapag hindi barado ang mga daluyan, mas nababawasan ang posibilidad na ang ilang minuto ng malakas na ulan ay mauwi sa ilang oras ng baha.

At hindi lang paglilinis ang naging laban ng Maynila.

Nang umabot sa 855 katao mula sa 243 pamilya ang kinailangang ilikas sa kasagsagan ng pagbaha, kumilos ang mga evacuation center. Ngunit makalipas lamang ang ilang araw, wala nang natitirang evacuee.

Iyan ang isa sa pinakamahalagang sukatan ng disaster response—hindi lamang kung ilan ang nailikas, kundi kung gaano kabilis naibalik sa normal ang kanilang kalagayan.

Kapansin-pansin din na hindi naputol ang garbage collection operations ng lungsod. Nagpatuloy ang operasyon ng solid waste management, Manila Transfer Station at San Mateo Sanitary Landfill habang walang tigil ang pag-ulan.

Sa madaling salita, kahit binabayo ng panahon, hindi puwedeng huminto ang serbisyo.

Kahit ang mga tauhan ng lungsod—traffic enforcers, engineering personnel, electricity crews at iba pang frontline workers—ay patuloy na kumilos sa gitna ng ulan.

Tama ang paglalarawan ni Yorme Isko: para silang mga frogman.

Basang-basa, pagod, pero kailangang nasa lansangan.

At may isa pang aral mula sa mga nakaraang karanasan: prevention is better than cure.

Kaya naghanda rin ang lungsod ng 165,000 doxycycline capsules para sa mga residenteng maaaring nalantad sa baha at nanganganib sa leptospirosis.

Hindi nito ibig sabihin na tapos na ang laban.

Hindi rin nangangahulugan na wala nang dapat ayusin.

Sa isang lungsod na kasing-sikip at kasinlaki ng Maynila, ang baha, basura, baradong kanal at iba pang problema ay hindi basta-basta mawawala.

Pero may malaking pagkakaiba ang isang lungsod na naghihintay munang magkaroon ng problema bago kumilos at isang lungsod na naghahanda bago pa dumating ang problema.

Sa linggong ito, tila pumasa sa stress test ang ilang sistema ng Maynila.

At ang pinakamagandang resulta?

Pagkatapos ng ilang araw ng walang tigil na ulan, bumalik sa normal ang lungsod.

Dahil sa disaster response, ang tunay na panalo ay hindi iyong walang naging problema.

Ang tunay na panalo ay iyong dumating ang problema, kumilos ang gobyerno, naligtas ang mga tao, at mabilis na nakabangon ang lungsod.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.