Advertisers
IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawak sa access sa social protection programs para sa mga Contract of Service (COS) at Job Order (JO) workers sa pamahalaan.
Batay sa Administrative Order No. 43 na inilabas noong June 3, maaari nang magkaroon ng voluntary deduction sa kanilang compensation para sa hulog sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG Fund.
Sa bagong sistema, hindi na kailangang personal na asikasuhin ng mga COS at JO workers ang bawat contribution dahil maaaring direktang i-remit ng kanilang ahensya ang mga hulog sa kaukulang government institutions.
Saklaw nito ang mga COS at JO personnel sa national government agencies, kabilang ang mga departamento, bureau, tanggapan, government-owned and controlled corporations at state universities and colleges.
Hinihikayat ang mga local government unit na ipatupad ang kaparehong arrangement para sa kanilang mga kwalipikadong workers.
Gayunman, nilinaw na boluntaryo ang sistema at kinakailangan muna ang malinaw na pahintulot ng mga manggagawa bago ibawas ang anumang halaga mula sa kanilang kompensasyon.
Binigyang-diin naman na hindi binabago ng Administrative Order No. 43 ang umiiral na contractual relationship ng COS at JO workers sa kanilang mga ahensya.
Samantala, inatasan ang Department of Budget and Management (DBM), Civil Service Commission (CSC), Commission on Audit (COA), SSS, PhilHealth at Pag-IBIG Fund na bumuo ng mga panuntunan para sa maayos na pagpapatupad ng programa. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)