Advertisers
MALAKING alingasngas sa halos lahat na sulok ng bayan ni Malvar Mayor Artemio Abu ang pinalulutang ng operator ng mga pasugalan sa tabi ng CP Reyes Satellite Clinic, Brgy. Santiago na tiyuhin ng mga ito ang naturang alkalde.
Lumilitaw na kaya hindi hinuhuli at kinakasuhan ng mga opisyales at miyembro ng Malvar Police sa ilalim ng Major Arlan V. Perez ang maintainner ng mga color games, sakla at iba pang table at card games sa naturang barangay ay dahil sa isinasangkalan ng operator na kamag-anak/tiyuhin nila ang retired PCG Admiral na si Mayor Abu.
Nakapagdududa naman na baka may katotohanan nga ang ipinangangalandakan nina alyas Larry Liit at Ka Lina na kilala ding shabu pusher. Noon pang July 2025 ang operasyon ng mga naturang pasugal na mayroon shabuhan, ngunit hindi ang mga ito pinabulabog nina Mayor Abu at Major Perez.
Nakaiwas sa iskandalo ng mga missing sabungero si Mayor Abu, ngunit sa balitang nagbibigay ito ng proteksyon sa mga pasugalan sa kanilang bayan ay di nakaligtas ang first termer na alkalde?
Maging si Batangas Acting PNP Provincial Dir. Col. Oliver Ebora ay tampulan ng paninisisi at pula ng mga mamamayan dahil sa mga kabalbalan ng naturang ilegalista. Subaybayan natin ang aksyon ni PNP Acting Dir. BGen. Dominic Baccay?

***
ANG SIKRETA ay hindi pitak politikal at kailanman walang sinusuportahan na mga politiko at lalong hindi taga suporta ng mga Marcos. Nakasandig ang ating kolum sa katotohanan at pawang totoo lamang.
Maliban sa asuntong seryosong pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (PBBM), sa maybahay nitong si Liza Araneta at ex-House Speaker Romualdez ay patong-patong pang kaso na may kinalaman sa paglustay ng milyon-milyong pondo ng bayan ang kinakaharap ni VP Sara “Inday” Duterte.
Nauna na ng naghain ang DOJ ng usaping inciting to sedition laban kay VP Sara. Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na may posibilidad na mag-isyu na ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court (Q.C.-RTC) laban kay VP Inday kaugnay sa kasong grave threats. May inirekomendang Php 120,000 piyansa ang DOJ upang hindi muna makulong ang Bise Presidente.
Ang grupo naman ng pari, academics, rights advocates at mga mamamahayag na pinangungunahan nina Fr. Flaviano Villanueva, Fr. Roberto Reyes, economist at dating Department of Justice Undersecretary Cielo Magno ay nauna ng nakapag sampa sa tanggapan ng Ombudsman ng mga asuntong plunder, bribery, malversation at graft laban kay VP Inday.
May binubuo ding kaso ang Commission on Audit (COA) na may kinalaman sa posibleng paglustay din ni VP Inday ng Php 612.5 Bilyon na Confidential and Intelligence Fund (CIF).
Kabilang sa sinusuri ang posibleng maanolmalyang paggastos ni VP Inday sa CIF ay ang payment kay Mathew Keso na Php 250,000 na pagbili ng school supplies; payment kay Claire Pampano na Php 130,000 na bayad sa impormasyon; payment kay Jay Kamote na Php 200,000 na bayad sa rent ng supplies at confidential operation at maraming pang iba.
Sinisiyasat din ng COA kung makatwiran kayang gastusin ng Department of Education at Office of Vice President ang CIF sa tree planting, gift-giving; appreciation nights at iba pang aktibidad na walang kinalaman sa confidential and intelligence operation?
Sa ilalim ng batas ay tanging ang Office of the President, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang mga ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa pangangalap ng impormasyon at datos para sa pambansang seguridad ang pinahihintulutan na magkaroon ng CIF. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144