Advertisers
Inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Lunes, Agosto 17, na ipatutupad simula Setyembre 1 ang ikatlong tranche ng dagdag-sahod para sa lahat ng permanenteng empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Sa kanyang talumpati sa lingguhang flag-raising ceremony sa Manila City Hall, sinabi ni Domagoso na hindi bababa sa 4 porsiyento ang magiging dagdag sa sahod ng mga empleyado, na mangangailangan ng karagdagang pondo na halos P100 milyon mula sa city government.
Ayon sa alkalde, nakipagpulong siya noong nakaraang linggo kasama ang mga department at bureau heads upang matiyak na maipatutupad sa oras ang salary increase.
“Gusto kong i-inform ang lahat ng ating empleyado na we are going to implement on time the third tranche, effective September 1,” ani Domagoso.
Bagama’t aminado ang alkalde na limitado ang kalagayang pinansyal ng lungsod, sinabi niyang malalampasan ito sa pamamagitan ng maayos, masinop at epektibong paggasta ng pondo.
“Wala tayong halos talaga, hand-to-mouth, pero as I have said, God will always provide. Sa masinop, mainam, at epektibong paggasta, unti-unti natatawid natin ang pangangailangan ng siyudad,” aniya.
Inatasan din ni Domagoso ang mga opisyal at kawani ng city government na simulan na ang pagproseso ng mga kinakailangang dokumento upang maging handa ang pagpapatupad ng dagdag-sahod sa Setyembre 1.
Kabuuang 9,364 permanenteng empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang makikinabang sa salary adjustment.
Ang kaukulang pondo para sa dagdag-sahod ay isusumite sa Manila City Council para sa pag-apruba ng kinakailangang appropriation.
Binigyang-diin ni Domagoso na mahalaga ang mga empleyado sa pagpapatupad ng mga programa at pangmatagalang proyekto ng lungsod.
“Kailangan tayo ng tao. So I want you to be healthy, and I want you also to be effective, because we are together on a common goal, which is public service to our people in Manila,” ani ng alkalde.
Samantala, pinaalalahanan din niya ang mga kawani na mag-ingat ngayong patuloy ang pag-ulan at maaaring tumaas ang panganib ng leptospirosis.
Sinabi niyang maaaring magtungo ang mga nangangailangan sa mga city clinic at health center para sa Doxycycline bilang precautionary measure laban sa leptospirosis.
“Buong linggo yata umuulan, but stay safe,” paalala ni Domagoso.(BP)