Advertisers

Advertisers

QC LGU, QCPD, at mga eskuwelahan, nagkaisa para sa ligtas na paaralan

0 4

Advertisers

Noong ako’y mag-aaral pa, ang pinakamalaking alalahanin ko ay ang mga takdang-aralin at pagsusulit. Ngunit malaki na ang ipinagbago ng panahon. Pumasok na sa ating mga silid-aralan ang mabibigat na realidad ng lipunan—mula sa bullying at karahasan hanggang sa lumalalang krisis sa mental health ng kabataan.

Patunay dito ay trahedya noong Hunyo 22, 2026 sa Tacloban City, kung saan dalawang kabataan ang nagpasok ng baril sa paaralan at namaril ng kapwa estudyante. Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na ito ay bunga ng bullying, personal na galit, at impluwensiya ng extremist online groups.

Bilang pagtugon, inilunsad ni Mayor Joy Belmonte nitong Agosto 14, 2026 ang QC Safe Schools Whole-of-Community Framework.

Sa ilalim ng pamumuno ni Brig. Gen. Randy Glenn Silvio, ipinapatupad na ng Quezon City Police District (QCPD) ang IADD (Identify, Avoid, Deny, Defend) protocol sa mga campus, kasabay ng paglalagay ng mga karagdagang CCTV.

Bagama’t nagbibigay ng kapanatagan ang pagsasanay ng pulisya, isa rin itong paalala na kailangan nang sanayin ang mga bata para ipagtanggol ang sarili sa lugar na dapat sana’y kanilang kanlungan. Ang mga baril, CCTV, at pagsasanay sa seguridad ay nakapagpapatigil ng banta, ngunit hindi nito kayang gamutin ang mismong ugat ng problema.

Pero kung suriin, ang tunay na suliranin ay ang kakulangan ng emosyonal at sikolohikal na suporta kaya dito nagiging mahalaga ang pananaw ng Quezon City kung saan bukod sa QCPD, nagdagdag din ang DepEd ng 100 plantilla positions para sa mga guidance counselor. Hindi naman lingid sa atin kaalaman na ang tungkulin ng pulisya ay maging panangga laban sa panganib mula sa labas habang ang mga guro at counselor ay siguraduhing malusog ang kaisipan ng mga bata sa loob.

Pero sa bandang huli, ang pinakamalaking hamon ay nananatili sa ating mga tahanan dahil kailanman ay hindi kayang palitan ng pamahalaan o ng kapulisan ang gabay ng pamilya. Tulad ng pagtuturo ng emosyonal na katatagan, pag-gabay sa paggamit ng internet, at pakikinig sa kanilang mga tahimik na sigaw ay responsibilidad na nagsisimula sa hapag-kainan.

Kaya ang tagumpay ng proyektong ito ay hindi masusukat sa dami ng pagsasanay ng pulisya, kundi kapag dumating ang araw na ang mga taktikal na protocol ay mananatili na lamang na paghahanda at hindi na kailanman kakailanganing gamitin.