Advertisers
NAGBAGO ang pamunuan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at naitalaga bilang Executive Director nito si Undersecretary Danilo Pamonag kapalit ni dating Undersecretary Ernesto C. Torres Jr.
Nasaksihan ko ang kanilang turnover ceremony noong nakaraang linggo, na pinangunahan ni National Security Adviser at NTF-ELCAC Vice Chairperson Secretary Eduardo S.L. Oban Jr., inilatag ni Pamonag ang nais niyang direksyon tungo sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran.
Malinaw ang pagkakalatag ng bagong NTF-ELCAC opisyal sa mga gusto niyang maging direksiyon para sa susunod na yugto ng kampanya ng pamahalaan para sa kapayapaan at kaunlaran: isang Pilipinas kung saan wala nang batang Pilipino ang kailanman lalaki sa anino ng armadong labanan ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF at ng militar.
Sa pormal niyang pag-upo bilang pinuno ng NTF-ELCAC, nanawagan si Pamonag sa mga ahensya ng pamahalaan, lokal na punong ehekutibo, mga pwersang panseguridad, civil society, at mga lokal na komunidad na sama-samang sumulong tungo sa iisang layunin.
Para kay Pamonag, ang pangmatagalang kapayapaan ay hindi lamang nangangahulugan ng kawalan ng armadong engkwentro.
Binigyang-diin niya na ang tunay na tagumpay ay dapat masukat sa pang-araw-araw na buhay ng karaniwang Pilipino—isang batang nakapapasok sa paaralan nang walang takot, isang pamilyang mapayapang paghahanapbuhay, at isang liblib na barangay na ganap na naaabot ng mga serbisyo ng pamahalaan.
Binigyang-diin niya na makakamit lamang ang tunay na kapayapaan kapag ang isang bata sa liblib na barangay sa kabundukan ay may kapantay na pagkakataong makamit ang edukasyon, imprastraktura, at kabuhayan na tinatamasa ng mga batang nasa mga sentrong urban.
Iniangkla ni Pamonag ang kanyang roadmap sa tatlong pangunahing haligi—Pagkakaisa, Kapayapaan, at Kaunlaran—habang inilalatag ang mahahalagang prayoridad ng Task Force.
Nagbigay-pugay din si Pamonag sa kanyang sinundan na si Usec.Torres, at kinilala ang kanyang estratehikong pananaw na nakatulong sa pagpapahina ng armadong insurhensiya, pagpapalakas sa papel ng mga lokal na punong ehekutibo, at paggabay sa kampanya tungo sa mabuting pamamahala.
Habang patuloy na humihina ang insurhensiya, hinikayat ni Pamonag ang NTF-ELCAC Secretariat, mga regional task force, at mga katuwang na ahensya na harapin ang huling yugto ng kampanya nang may higit na propesyonalismo at integridad.
Mabuhay ka Usec. Pamonag!