Advertisers

Advertisers

UMAASA NA ‘DI BIBIGUIN

0 18

Advertisers

Hindi iniinda ng mga tiwali sa pamahalaan ang mga paratang ng pandurugas sa kaban ng bayan higit ang mga opisyal na sumumpa ng tapat na serbisyo. Mahaba ang kamay ng batas ngunit ‘di makalawit ang mga kawatan na naglilibot sa mundo gamit ang salaping nakulimbat sa kabang bayan. Habang dinidinig ang usapin ng katiwalian sa hukom-senado laban sa abalang pangulo, wala sa bansa ang kumag at patuloy na nilulustay ang salaping nilaan sa tanggapan. O’ sadya makapal ang mukha, sa lalim ng usapin ng katiwaliang hinaharap ‘di magawang tumigil sa bansa at nilulustay ang salaping bayan. Walang pagkagulat sa galaw ng tinutukoy na opisyal, muli, sadyang makapal ang mukha at walang hiya. O’ sadyang may butas ang batas sa usapin ng pagpapanagot sa katiwalian higit batikan sa nakawan ang nasasakdal na bilyon – bilyon ang ninakaw sa kabang bayan.

Sa pagsasaliksik sa kasaysayan, nabatid na maraming katiwalian ang naganap sa pamahalaan na ipinagkibit balikat ng namumuno sa dahilan na kakampi, kumpare at kaibigan. Sa mga dahilang nabanggit, naging palasak ang katiwalian sa pamahalaan na tinuturing na sariling lukbutan ang mga tanggapan na pinamumunuan at ganap na ginagatasan para sa sariling pakinabang. Sa totoo lang, hindi huminto ang mga tiwaling opisyal sa pagsasamantala sa kabang bayan sa kabatiran sa galawan kung paano maiiwasan ang sakdal sa usapin ng katiwalian. Mapaglikha ang mga tiwali at naiaayos ang dokumento o papeles ng mga tustusin sa loob o labas ng tanggapan. Sa totoo lang, ‘di masilip ng mga tagapagbantay ng COA ang salang gawa ng mga opisyal dahil sa mga tauhang na nakikinabang sa salapi ng bayan. Hindi babanggitin ang padulas na inaabot sa mga tagasuri ng COA na isinasama sa mga abutan ng mga insentibo ng tanggapan nang maging bulag, pipi at bingi sa katiwalian.

Sa kabilang banda, hindi ganap na walang palad ang bansa sa uri ng mga opisyal, halal o itinalaga na ang layon ay malinis na pamamalakad sa nasasakupan o sa tanggapang pinamumunuan. Ang kahinaan sa mga matinong opisyal ang pagka-andap sa pagpapakilala sa sarili, sa gawang tama sa pamamalakad sa takot na may masagasaan na mataas na opisyal at mapag-initan. Sa totoo lang, ang pag-iingat na mapag-initan sa gawang tama ang balakid sa pagpaparami ng matuwid sa pamahalaan.

Ang pumakabila tungo sa matuwid na pamamahala ang salang gawa sa dami ng nag-aambisyon sa pwestong ibig. Ang kumalap ng pondo higit sa pambansang pwesto’y ‘di magagawa ng mga matuwid na opisyal na serbisyong bayan ang una ‘di bale ang sarili. At ang katangian na tinuturang kahinaan ng mga opisyal, ang ‘di napakinabangan ang lukbutan ng tanggapan na pinamunuan dahil ‘di ibig maging tiwali. Sa huli, sumbat ang maririnig sa nakakaraming tiwaling opisyal dahil ‘di nagawang magpayaman kahit na pamunuan ang pwestong ginto ang laman ng lukbutan.

Sa pag-iikot at pagtatanong – tanong hati ang pananaw ng Pinoy sa nagaganap na paglilitis kay Inday Salakay sa sala ng hukom-senado higit sa malamyang mga pagtatanong ng mga hukom-senador na tila wala sa hulog. May natatawa, may naiinis at may walang pakialam sa dahilang pare – pareho ang likaw ng bituka ng mga gumaganap at ng inaakusahan, kapwa tiwali. At tanaw o dinig ang sambit ng hungkag na mga hukom-senador na malayo ang puntirya ng mga tanong na ganap na pagpapakita ng kamangmangan, nakakasyang matawag na kagalang galang. Habang silip ang ibang hukom-senador ang pagdadala sa sarili upang pumuntos sa paningin ni Mang Juan higit sa ilang muling magpapahalal. At nabanggit ang tele-drama ng maangas na iyaking senadora na mahusay kuno subalit ‘di makapuntos sa tanong na patungo sa papawalang sala sa inaakusahan. Malinaw ang pananaw ni Mang Juan, walang lalim ang kasalukuyang hukom-senado at ‘di karapat dapat na lugar sa usaping dinidinig. Sa kabilang banda, umaasa si Mang Juan na hahatol ng tama ang hukom-senado sa pagpapanagot sa inaakusahan ng ‘di pamarisan at matigil ang katiwalian sa pamahalaan.

Sa totoo pa rin, ikinasisiya ng bayan ang kaganapan sa hukom-senado sa dahilang may pinanagot sa tiwaling gawa ng opisyal ng bansa. Nabatid ng bayan na ‘di ganap ang takipan sa salang gawa ng mga opisyal higit ang panlulustay sa salapi ng bayan. Sa kabilang banda, nalaman ng bayan na maingat ang mga tagasuri sa pamahalaan at binibigyan pansin salang tustusin sa mga sangay ng pamahalaan. At si Mang Juan, nagpapasalamat sa malawak na kapulungan sa paghahain ng pagpapasipa laban sa abalang pangulo sa nabatid na ‘di maayos ang pagtustos ng salaping bayan.

Sa kabilang dako, naiinip si Mang Juan sa ‘di umuusad na usapin ng katiwalian sa maraming ngalan higit ang ngalan na malapit sa puno ng Balite sa Malacanan. Dama ng bayan ang salang gawa higit sa kasalukuyang panahon ng Habagat na lumala ang usapin ng baha sa mga lugar na dinalaw ng multong bilyong proyekto. Umaasa sa lalong madaling panahon, bago maglaho ang usapin ng ibang katiwalian sa pamahalaan, gagalaw ang Tanod Bayan ni Mang Boying?

Mahaba pa ang higit sa isang taon sa pamamahala si Jun Singhot, umaasa na may mapapauwi’t mapapanagot sa katiwaliang isiniwalat. Sa katunayan, umaayon ang panahon at ipinamalas sa Pinoy ang salang gawa na pambubulsa sa pondo ng bayan na inilaan kontra sa baha. Hindi mapapasubalian ang katiwalian sa pagbahang naganap sa maraming bahagi ng bansa na larawan ng katiwalian na ‘di kailangan patunayan. Ang mapanagot ang mga salarin sa katiwalian ang ganap na magpapababa sa baha sa bansa na nagbabad sa Pinoy sa lamig ng paghahatid ng katarungan ng pamahalaan.

Sa huli, umaasa na mapanagot ang mga tiwali sa pamahalaan maging ito’y kamag-anak, kaibigan o kapartido. At ang sinimulan sa SONA sa kulungan ang paroroon higit ng mga tiwaling ginamit ang pwestong tangan sa pangangalap ng kaperahan na pasanin ni Mang Juan. Muli, umaasa na ‘di bibiguin ni Jun Singhot ang bayan, lilinisin ang pamahalaan na magtataas sa ngalang minsang nadungisan.

Maraming salamat po!!!!