Advertisers
Ni Anne Venancio
Level up na sa big screen sina Wilbert Ross at Eric Ejercito sa Korean-Filipino action thriller na “The Guardian,” na mapapanood na sa mga sinehan sa Pilipinas simula September 2, 2026, mula sa Viva Films.
Bukod sa intense action at international cast, kapansin-pansin din sa pelikula ang paglabas nina Wilbert at Eric sa kanilang nakasanayang acting territory. Kung sanay si Wilbert sa mga sweet at romantic roles, ibang version naman niya ang mapapanood sa “The Guardian.”
Aminado si Wilbert na naging challenge sa kanya ang pagganap bilang Jason, lalo na dahil kailangan niyang humarap sa mga action sequence na mas physical at demanding.
“Medyo challenging talaga yung role kasi sanay ako sa mga pa-sweet lang for rom-coms. Dito e, talaga may action scenes ako na nagagalos talaga ako, nabilad sa araw,” ani Wilbert sa Grand Media Conference ng pelikula.
Sa kabila ng mga gasgas, matinding sikat ng araw at bagong experience, proud si Wilbert sa naging resulta ng kanyang performance.
“Pero proud ako sa nagawa ko rito, iba naman,” dagdag ng aktor.
Samantala, literal na baliktad naman ang adjustment ni Eric. Kung si Wilbert ang kailangang masanay sa action, si Eric naman ay nag-adjust sa comedy, isang genre na hindi niya gaanong ginagawa.
“Baliktad kami ni Wilbert rito. Kung siya nanibago sa action scenes, ako naman medyo kinailangan kong mag-adjust sa comedy, something na hindi ko gaano ginagawa. But it’s a welcome change,” pahayag ni Eric.
Para kay Eric, magandang pagkakataon ang pelikula upang maipakita sa audience ang kanyang versatility bilang artista.
Ang “The Guardian” ay idinirehe ni Jeong Jang-Hwan, na nagdala ng Korean filmmaking style sa isang action story na kinunan sa Pilipinas.
Tampok sa pelikula ang Korean stars na sina Nam Woo-hyun ng K-pop group INFINITE, Park Eun-hye at Han Jae-seok, kasama ang Filipino actors na sina Wilbert Ross, Yassi Pressman, Eric Ejercito, Joko Diaz, Jeric Raval, Ashtine Olviga, Billy Villeta, Jacq Yu, Fatima, Yumi, Heart Ryan at Katya Santos.
Sa kuwento, ginagampanan ni Nam Woo-hyun si Do Jun, isang dating aspiring Taekwondo athlete na isinantabi ang kanyang pangarap upang makasama ang kanyang ina sa Pilipinas.
Nagbago ang kanyang buhay nang ma-kidnap ang kanyang ina na si Mi Jin, na ginagampanan ni Park Eun-hye, dahil sa isang criminal syndicate.
Mayroon lamang 48 oras si Do Jun para iligtas ang kanyang ina, kaya mapipilitan siyang harapin ang mapanganib na mundo ng krimen gamit ang kanyang martial arts skills.
Bukod sa action, tampok din sa pelikula ang mga tema ng pamilya, sakripisyo, survival at pagmamahal ng isang anak sa kanyang ina.
Para kay Wilbert, hindi lamang acting experience ang naging highlight ng proyekto kundi pati ang pakikipagtulungan sa Korean production team. Aniya, isa sa napansin niya ay ang kanilang matinding pagpapahalaga sa oras at disiplina sa set.
“I think they value time. Sa kanila po talagang every minute counts. So, walang nasasayang na oras. Dapat naka-standby po lahat,” kuwento niya.
Hindi lang mga artista ang nakaranas ng bagong challenge sa proyekto kundi maging ang mga producers na sina Micah Fernandez ng Robosheep Studios at Wesley Villarica ng Parallax Studio Inc., naging malaking learning experience din ang pakikipagtulungan sa Korean filmmakers.
Ayon kay Fernandez, kinailangan ng dalawang production teams na matutong mag-adjust sa kanilang magkakaibang sistema hanggang sa makabuo sila ng workflow na akma sa proyekto.
“We were able to learn from each other and come up with our own system. I think mid-production we started finding our own stride,” kwento ni Fernandez.
Ibinahagi naman ni Villarica na bagama’t magkaiba ang production systems ng Korean at Filipino teams, pareho ang kanilang hangarin na makagawa ng pelikulang may impact at may potensyal na makilala sa international market.
“We all just want to make impactful films that have an international appeal and that would cross borders in terms of what the market would be,” ani Villarica.
Nagsimula ang proyekto matapos maipakilala si Villarica sa Korean filmmakers na nagpunta sa Pilipinas upang iharap ang konsepto ng pelikula. Sa halip na maging shooting location lamang ang Pilipinas, iminungkahi nilang maging bahagi ang bansa bilang co-producer ng proyekto.
Para kay Villarica, malaking oportunidad ito para maipakita ang galing ng Filipino filmmakers sa international stage.
Hindi naging madali ang production dahil sa mga hamon sa shooting locations at permits. Sa kabila nito, nakatanggap ang team ng suporta mula sa ilang LGUs, kabilang ang Quezon City, at matagumpay na natapos ang Korean-Filipino collaboration.
Ngayong September 2, 2026, mapapanood na sa Philippine cinemas ang “The Guardian”—isang action-packed film na may Korean intensity, Pinoy talent at mga bagong side nina Wilbert Ross at Eric Ejercito.