Advertisers

Advertisers

2 AFP COL. TETESTIGO SA IMPEACHMENT TRIAL VS VP SARA

0 5

Advertisers

INAASAHANG haharap bilang testigo ang dalawang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ngayong Martes, Setyembre 1, sa ika-20 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.

Sina Colonel Manaros Boransing II at Colonel Magtangol Panopio ay magbibigay ng testimonya tungkol sa mga military certification na ginamit ng Department of Education (DepEd) sa pagsagot sa mga findings ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng paggamit ng P112.5 milyon na confidential funds.

Mahalaga ang mga certification sa kaso dahil iniugnay ang mga ito sa mga aktibidad na ginamit ng DepEd sa pag-account ng confidential funds, kabilang ang Youth Leadership Summits (YLS). Si Duterte ang naging kalihim ng DepEd mula 2022 hanggang 2024.



Sa isang imbestigasyon ng Kamara noong 2024, ilang military officers na pinanggalingan ng mga certification ang nagsabing hindi nakatanggap ng DepEd confidential funds ang kanilang mga unit para sa mga aktibidad na nakasaad sa mga dokumento.

Ayon kay House impeachment team adviser at spokesperson Robert Ace Barbers, nais ng prosecution na malaman kung paano ginawa at ginamit ang mga certification sa pagsagot sa mga tanong ng COA tungkol sa pondo ng gobyerno.



Kasama sa isyu ang P15 milyon na DepEd confidential funds na iniugnay sa mga YLS na isinagawa ng military units.

Dapat sanang tumestigo si Boransing noong Agosto 26, ngunit humiling siya ng postponement upang makipag-ugnayan muna sa kanyang military superiors. Pinayagan ito ni Senate impeachment court presiding officer Senator Francis “Chiz” Escudero dahil sa “exigencies of his position” bilang commanding officer ng AFP Task Force Zamboanga. Itinakda ang kanyang testimonya sa Setyembre 1.



Samantala, nananatili sa witness list ng prosecution si dating DepEd special disbursing officer Edward Fajarda, na pansamantalang hindi makadadalo dahil sa iniulat na kondisyon sa kalusugan. Posible siyang tumestigo sa Setyembre 7, depende sa kanyang kalagayan at assessment ng Senate Medical and Dental Bureau.

Hindi na rin itinuloy ng prosecution bilang testigo si retired Maj. Gen. Adonis Bajao matapos mahirapang maihatid sa kanya ang subpoena dahil hindi matukoy ang kanyang address.

Maaari ring humarap bilang testigo ang dating DepEd chief of staff at spokesperson ni Duterte na si Michael Poa, na ngayon ay kabilang sa kanyang defense team.

Nakatakda siyang tumestigo sa Miyerkules, ngunit sinabi ni Escudero na maaari siyang tawagin agad sa Martes kung hindi makadalo sina Boransing o Panopio.

Nais ng prosecution na ideklarang hostile witness si Poa dahil miyembro na siya ngayon ng defense team ni Duterte.

Naging bahagi si Poa ng paghahanda at pagsusumite ng military certifications at ng accomplishment reports tungkol sa paggamit ng DepEd confidential funds. Kung pagbibigyan ng impeachment court, siya ang magiging ikatlong hostile witness sa kasong may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ni Duterte.