Advertisers
Sa ginawang pagbawi ni dating Marine soldier Orly Guteza ng kanyang mga naunang pahayag na nagdadawit kay dating House Speaker, Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez sa kontrobersyal na flood control scam, sinabi ng isang beteranong abogado na dapat nang bawiin ng Office of the Ombudsman ang anumang kaso laban kay Romualdez.
Ayon kay Atty. Judd Roy III, dating law dean sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), maaring masakit umano para sa Ombudsman pero dapat nitong i-atras anumang reklamo meron kay Romualdez kung wala namang sapat na ebidensiya laban sa kanya.
Sa gitna ‘yan ng pahayag ni Guteza, na diumano ay ‘bagman’ ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, pinressure lang umano siya ni Senator Rodante Marcoleta at dating Congressman Mike Defensor na gumawa ng kwento at akusasyon laban kay Romualdez.
Bukod diyan, sinabi ng abogado ni Romualdez na si Ade Fajardo, dating national president ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), na nasa 32 saksi na pawang dating tauhan ni Co bilang drivers, security o administrative aides, ang bumawi na din ng kanilang naunang akusasyon kay Romualdez o di kaya naman ay nagbigay ng testimonya na pabor sa dating House Speaker.
Sabi pa ni Fajardo, maging si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan ay ni hindi naman isinangkot si Romualdez sa flood control scam o sa diumano ay pagdadala ng maletang pera, gaya ng unang sinabi ni Guteza at iba pa.
“Wala rin kahit sinong district engineer or assistant district engineer o kahit sinong personnel on ground, kasi nga wala namang iniuugnay na kahit anong particular na proyekto tungkol sa flood control na hindi nangyari or hindi ginawa or pinakialaman ni former Speaker Romualdez,” dagdag pa ni Fajardo.
Sa kanyang hiwalay na pananaw, pareho kay Fajardo ang sinabi ni Atty. Roy, na dapat na umanong iatras ang kaso kay Romualdez kung wala namang kongkretong ebidensiya para suportahan ang bintang kay Romualdez.
Ani Roy, “Kung wala pang ebidensiya laban kay Romualdez, puwes, iatras mo muna ‘yang kaso na ‘yan. Siguro naman dito, ang sinasabi ni Guteza iba. Di lamang siya nagkamali, siya ay pinangakuan ng pera at siya ay pinilit. Paanong gagawin natin ngayon…Pinapahindian na ni Orly Guteza na siya ang ugat ng lahat ng itong mga maleta at basura.”
“Sinasabi niya na ngayon na hindi totoo yan. Ako’y pinilit lamang ni Defensor at ni Marcoleta. Papano natin ngayon aasahan…Tapos yung pinapakitang video oh, malinaw na malinaw na siya ay yan o, tinuturuan siya ni Marcoleta kung ano ang gagawin,” ayon pa Roy.
Binigyang-diin ni Roy sa Ombudsman na ang trabaho nito ay ipagtanggol ang karapatan ng bawat Pilipino, ke gusto man niya o hindi ang taong ito.
Aniya pa, tungkulin ng Ombudsman na ipatupad ang batas para makamit ang hustisya, at hindi lamang ang mga batas na magpapasikat sa kanya. Tama naman si Atty. Roy.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.