Advertisers
Ni Anne Venancio
Nilinaw ni Francine Diaz ang mga usap-usapang may “attitude” umano siya at madalas daw maging maldita o suplada sa mga nakakasama niya sa trabaho.
Ayon sa aktres, posibleng nagmumula lamang ang ganitong tingin dahil tahimik siya, lalo na kapag pagod o nakararanas ng matinding pressure dahil sa dami ng kanyang ginagawa. Para kay Francine, hindi naman pagiging suplada ang pananahimik niya, kundi paraan lamang para makapagpahinga at makabawi ng lakas.
Aminado rin siyang hanggang ngayon ay hinahanap pa niya ang tamang balanse sa pagitan ng pagiging tahimik at pagiging mas palakaibigan at makulit kapag nasa trabaho.
Napansin din ni Francine na madalas siyang nababanggit sa mga blind item, bagay na ikinaguguluhan niya dahil kilala niya ang sarili bilang isang tahimik na tao.
Para sa kanya, kahit tahimik o maingay ang isang tao, siguradong may masasabi pa rin ang iba.
Sa halip na patuloy na isipin ang opinyon ng publiko, mas pinipili ngayon ni Francine na matutong kilalanin ang pagkakaiba ng makabuluhang puna at simpleng pambabash.
Handa siyang tanggapin ang kritisismong makatutulong sa kanyang paglago, pero ayaw niyang hayaang hilahin siya pababa ng mga walang basehang komento.
****
Jodi Sta. Maria may napapansin sa anak na si Thirdy
Ni Anne Venancio
Aminado si Jodi Sta. Maria na kapansin-pansin na ang pagbabago sa kanyang anak na si Thirdy Lacson, na ngayon ay 20 taong gulang na at unti-unti nang hinahanap ang sariling kalayaan.
Sa panayam ng PEP.ph kay Jodi noong Agosto 15 sa Ayala Malls Manila Bay, ibinahagi ng aktres na dating masayahin at palabati si Thirdy noong bata pa. Ngayon, mas napapansin na niya ang pagiging mahiyain at introvert ng kanyang anak.
Gayunman, may ilang bagay na hindi nagbabago kay Thirdy. Ayon kay Jodi, nananatili itong malambing at maalalahanin, lalo na sa kanya bilang ina. Kahit binata na, hindi pa rin umano nawawala ang mga yakap at halik nito sa kanya.
Para kay Jodi, natural lamang ang pagbabago dahil nasa edad na si Thirdy kung saan mas nais nitong magkaroon ng sariling desisyon at direksyon sa buhay.
Kapag nagkakaroon naman sila ng tampuhan, komunikasyon ang sandata ng mag-ina. Para kay Jodi, normal ang hindi pagkakaintindihan sa pamilya, pero mas madaling maresolba ang mga ito kapag may maayos at bukas na pag-uusap.
Sa huli, tila ready na si Jodi na bigyan ng sapat na space ang kanyang anak habang patuloy pa rin siyang nasa likod nito bilang isang mapagmahal na ina.