Advertisers

Advertisers

MAKINARYANG IPINAMAMAHAGI NG ‘DA’ SA MGA MAGSASAKA MADALING MASIRA AT WALANG SPARE PARTS – CONG. PANALIGAN

0 8

Advertisers

KINUWESTIYON ni Oriental Mindoro 1st District Congressman Arnan C. Panaligan ang mababang antas ng mechanization sa sektor ng agrikultura at ilang problemang nararanasan umano ng mga magsasaka sa mga makinaryang ipinamamahagi ng Department of Agriculture (DA).

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations kaugnay ng panukalang 2027 budget ng DA, ipinarating ni Panaligan kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga reklamong natatanggap niya mula sa ilang farmers na nabigyan ng mechanized units, partikular ng harvester.

Ayon pa sa kongresista, kabilang sa mga problemang inirereklamo ng mga magsasaka ang madaling pagkasira ng ilang harvester, kawalan ng available na spare parts, mataas na konsumo sa krudo at iba pang technical issues.

Binigyang-diin ng mambabatas ang usapin habang tinatalakay ang mababang antas ng mechanization na isa sa mga hamon sa pagpapataas ng productivity ng sektor ng agrikultura.

Bukod sa farm machinery, binanggit din ng kongresista ang mga nakabinbing solar-powered irrigation system projects na ipinapatupad ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM) na hindi pa umano natatapos.

Tinanong din ni Panaligan si Laurel kung ibabalik ng DA ang fertilizer voucher system.

Ayon kay Panaligan, mas nais ng ilang magsasaka ang voucher system dahil nabibigyan sila nito ng pagkakataong pumili at bumili ng subok na brand ng fertilizer na kanilang kailangan, kumpara sa centralized procurement at distribution ng abono.

Ang tatlong usaping inilatag ni Panaligan—farm mechanization, irrigation at fertilizer assistance—ay kabilang sa mga direktang nakaaapekto sa gastos at produksyon ng mga magsasaka.

***

Anumag reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com