Advertisers

Advertisers

Cayetano pabor sa pagsali ng Pinas sa maritime rescue treaty para protektahan ang Filipino seafarers

0 6

Advertisers

Pabor si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa pagsali ng Pilipinas sa International Convention on Maritime Search and Rescue (SAR) na layong palakasin ang koordinasyon ng mga bansa sa pagsagip sa mga taong nasa panganib sa dagat.

Co-sponsor at co-author si Cayetano ng Proposed Senate Resolution No. 643 sa ilalim ng Committee Report No. 98, na humihingi ng pagsang-ayon ng Senado sa pag-akyat ng Pilipinas sa 1979 SAR Convention.

Ayon kay Cayetano, kailangan ang mas mahigpit na regulasyon at maayos na koordinasyon para maprotektahan ang mga taong nasa dagat, lalo na kapag may emergency.



“Obligasyon po natin to keep the people safe and the best way to do that is walang papalusutin pagdating sa regulation,” ayon kay Cayetano.

Sa ilalim ng 1979 SAR Convention, magkakaroon ng mas coordinated search and rescue system ang mga bansang kasali, kabilang ang Search and Rescue Regions at 24-hour Rescue Coordination Centres.



Nakasaad din sa kasunduan na dapat tumulong ang mga bansa sa mga taong nasa panganib sa dagat anuman ang kanilang nationality o status. Hinihikayat din nito ang pagtutulungan ng magkakalapit na bansa kapag may maritime emergency.

May itinakda rin itong standard na emergency phases, kabilang ang Uncertainty Phase, Alert Phase at Distress Phase, upang maging mas malinaw ang hakbang ng mga awtoridad sa pagtugon sa mga insidente sa dagat.



Bilang Champion Country ng Global Compact for Safe, Orderly, and Regular Migration (GCM), mahalaga para sa Pilipinas na patuloy na palakasin ang proteksyon sa mga sea-based OFW.

Ang pagsali sa kasunduang ito ay magpapalakas sa paninindigan ng bansa na tiyaking ligtas ang mga Filipino seafarer at iba pang nagtatrabaho sa dagat, lalo na sa oras ng maritime emergencies.

Binigyang diin din ni Cayetano ang malaking ambag ng mga Filipino seafarer at iba pang overseas Filipino workers sa ekonomiya ng bansa.

“OFWs are all over the world. Sabihin mo kung saan may opportunity, nandiyan ang Pilipino. At pag nandiyan ang Pilipino, kitang kita yung Philippine excellence. I praise God for you, ating mga OFWs who keep our economy alive especially during hard times,” sabi niya.