Advertisers

Advertisers

Ryan Bang, condo sa South Korea ang regalo sa ina

0 3

Advertisers

Ni Camille Guarin

Mas inuuna ng It’s Showtime host na si Ryan Bang ang pag-iipon kaysa sa luho. Kaya naman para sa kanya, naging hobby na ang pag-iipon ng salapi.

Sa panayam sa kanya ng wealth coach na si Chinkee Tan, ibinahagi ni Ryan ang kanyang sikreto sa pag-iipon ng pera, pati na rin ang kanyang mga karanasan sa negosyo at ang goal niyang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang ina.

Ayon kay Ryan, matagal na niyang hilig ang pagnenegosyo. Dahil dito, pinili niyang kumuha ng kursong Business Management sa De La Salle University.

“Hilig ko po eh mag-businessman, kaya kinuha ko rin po ’yung kursong Business Management sa La Salle,” kuwento ni Ryan.

Para kay Ryan, mahalagang matutong mag-risk upang makamit ang mga pangarap sa buhay.

“Ganoon po talaga eh. ’Di ba, sa buhay may kasabihan din na no pain, no gain. Kailangan may i-risk talaga,” ani Ryan.

Ibinahagi rin ni Ryan kung paano niya sinimulan ang kanyang habit ng pag-iipon noong 2010.

“Year 2010, nag-ipon po talaga ako. Nakuwento ko na rin sa mga director ko na first time, isang libo, iniipon ko ’yun sa likod pa ng unan. Totoo talaga ’to,” aniya.

Ayon sa kanya, ang kanyang unang sweldo ay ?3,000, kung saan agad siyang nagtabi ng ?1,000.

“Unang sweldo ko, tatlong libo. Tapos nilagay ko, isang libo. Kinikilig ako. Tapos sinusubukan ko, dalawang libo, nilalagay ko, tapos kumakapal,” dagdag ni Ryan.

Para kay Ryan, naging rewarding ang makita kung paano unti-unting lumalaki ang kanyang ipon.

“Nakakakilig ’yun. At ang sarap sa pakiramdam na ’yun ang hobby ko, ang mag-ipon. Doon ’yun ang sikreto ko. Magaling ako mag-ipon,” ani Ryan.

Sa panayam, ibinahagi rin ni Ryan ang isa sa kanyang pinakamalaking achievements ang pagbibigay niya ng condo unit sa South Korea para sa kanyang ina.

Ayon kay Ryan, matagal niyang naging goal na maibigay ito sa kanyang ina sa loob ng sampung taon.

“Kasi may goal po ako. Sa loob ng sampung taon, at least naregaluhan ko po ’yung nanay ko ng condo sa South Korea, nakapangalan sa kanya,” aniya

Tinanong naman ni Chinkee kung alam ba ng kanyang ina na bibilhan niya ito ng condo.

“Hindi niya alam, siyempre. So nung meron na akong condo na binigay sa nanay ko, ’yun ’yung achievement ko talaga,” sagot ni Ryan.

Napag-usapan din sa interview ang negosyo ni Ryan, kabilang ang pagsisimula niya ng online business.

Ayon kay Ryan, nagbenta siya ng Jaba kimchi sa pamamagitan ng Instagram.

“Nagbebenta po kami ng Jaba kimchi through Instagram,” ani Ryan.

Sinimulan niya umano ang pagbebenta ng kimchi sa halagang ?99. Nang makahanap siya ng mas malaking lalagyan, itinaas niya ang presyo nito sa ?150.

“So ’yung kimchi, nagbebenta po ako ng below 100 pesos, 99 pesos. So nakahanap ako ng mas malaking baso, nagbebenta ako ng 150 pesos. So lumalakas. Mas maraming nag-o-order, tulad sa Instagram,” ani Ryan.

Dahil sa patuloy na pagdami ng orders, nakapag-ipon umano sila ng halos ?800,000 mula June hanggang November.

“So nakaipon po ako from June to November, almost 800,000 pesos. So nakaipon po kami ng almost 1 million,”
nakangiting kuwento ni Ryan.

Aba, mukhang winner si Ryan pagdating sa negosyo. Sana sa pag-ibig naman, dumating na rin ang tamang investment. Madlang people, baka naman.