Manila, LandBank lumagda sa kasunduan para palaguin ang housing fund; Isko target wakasan ang informal settlements
Advertisers
Lumagda sa isang kasunduan sina Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso at Land Bank of the Philippines Vice President at Chief Trust Officer Atty. Mario Sabino Jr. nitong Miyerkules, Setyembre 16, para palaguin ang housing fund ng lungsod at magbigay ng sustainable na pondo para sa in-city vertical housing program nito.
Pinapayagan ng kasunduan ang Pamahalaang Lungsod na i-invest ang nasa P50 milyon na available funds mula sa Manila Urban Settlements Office (MUSO) Housing Trust Fund sa pamamagitan ng LandBank. Ang pondo ay nagmula sa mandatory monthly contributions ng mga benepisyaryo ng in-city vertical housing projects ng Lungsod.
Sa ilalim ng Resolution No. 598, Series of 2026, binibigyang-kapangyarihan ang City Housing Investment Committee na makipag-negosasyon sa LandBank para sa pag-i-invest ng available na resources ng MUSO Housing Trust Fund. Ang pondo ay eksklusibong nakalaan para pondohan, pamahalaan at i-disburse ang resources para sa housing at settlement programs ng Lungsod.
Sinabi ni Domagoso na kakaiba ang investment na ito dahil ang perang muling ini-invest ay hindi nagmula sa taxpayers kundi sa mga benepisyaryo mismo.
“Ito very unique kasi hindi siya tax money. This is the money entrusted by the beneficiary to the City,” ani ng alkalde.
Inilarawan niya ang kasunduan bilang simula ng pangmatagalang estratehiya para mapanatili at mapalawak ang in-city vertical housing program ng Maynila.
“This is the start of a long journey of the in-city vertical housing,” ani Domagoso.
Sinabi ng alkalde na ang ultimate goal ng Lungsod ay mabigyan ang mas maraming pamilyang nakatira sa informal settlements at nangungupahan ng pagkakataong magkaroon ng disente at secure na pabahay sa loob ng Maynila.
“Darating ang araw na mauubos at mauubos ang squatter sa Maynila at mabibigyan ng tsansa ang mga nangungupahan na magkaroon ng sarili nilang bahay,” dagdag pa niya.
Para kay Domagoso, ang housing fund ay hindi lamang tungkol sa pagpopondo sa kasalukuyang proyekto kundi paglikha ng tuluy-tuloy na pinagkukunan ng resources na makakatulong sa Lungsod na makapagpatayo pa ng mas maraming bahay sa hinaharap.
Nasaksihan ang signing ceremony nina City Treasurer Atty. Paul Vega, City Administrator Eduardo “Wardee” P. Quintos XIV, at City Legal Officer Atty. Luch R. Gempis Jr. (Jocelyn Domenden)