Advertisers

Advertisers

PALASYO, NANAWAGAN NG MAPAYAPA AT MAAYOS NA PROTESTA SA SEPTEMBER 21

0 6

Advertisers

Nanawagan ang Malacañang sa mga grupong magsasagawa ng kilos-protesta sa Lunes, Setyembre 21, na panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa kanilang mga hanay.

Ayon kay Communications Undersecretary Atty. Claire Castro, patuloy na nakikinig ang administrasyong Marcos sa mga saloobin, hinaing at panawagan ng bawat Pilipino.

Hindi aniya ipinagbabawal ng pamahalaan ang pagdaraos ng mga kilos-protesta, kabilang ang mga nakatakda sa Lunes na kasabay ng paggunita sa ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.

Gayunman, apela ni Castro sa mga magpoprotesta na ipahayag ang kanilang mga saloobin sa mapayapa at maayos na paraan.
Aniya, hindi kinakailangan ang karahasan at hindi dapat magkaroon ng masasaktan sa anumang kilos-protesta.

Tungkulin naman aniya ng Philippine National Police o PNP na tiyaking ligtas ang mga kalahok at mapanatili ang kaayusan sa mga lugar na pagdarausan ng mga aktibidad.

Kasabay nito, tiniyak ng Palasyo na patuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto, gayundin sa pagtulong sa mga Pilipinong nangangailangan.

Hindi rin aniya isinasantabi ng gobyerno ang pananagutan ng mga indibidwal na mapatutunayang sangkot sa mga anomalya sa flood control projects.

Para sa Malacañang, maaaring ipahayag ng publiko ang kanilang mga pagtutol at puna sa gobyerno, ngunit mahalagang manatiling mapayapa at naaayon sa batas ang anumang pagkilos. (Gilbert Perdez)