Advertisers

Advertisers

Ian Pangilinan, nagdirek at umarte sa “Patay Gutom”

0 177

Advertisers

Ni ARCHIE LIAO

Hindi lang pag-arte ang bagong hamon na hinarap ni Ian Pangilinan sa “Patay Gutom.” Sa pelikulang kalahok sa Puregold CinePanalo Film Festival 2026, unang beses din niyang sumabak bilang direktor.

Kasama si Ian bilang co-director ni Carl Joseph E. Papa, na siyang animation director ng pelikula. Tampok din sa “Patay Gutom” sina Khalil Ramos, Agot Isidro at Cris Villanueva.



Para kay Ian, ibang klase ang karanasan kapag napunta na sa likod ng kamera ang isang aktor.

“Sa tingin ko, sobrang maa-appreciate ninyo talaga yung work of everyone behind the camera kapag nakapag-work na rin kayo behind the camera,” saad niya.



Kasi sobrang grabe talaga yung pagod, grabe yung effort ng lahat ng mga tao.”

Natuto sa beteranong director



Malaking bagay para kay Ian ang pagkakataong makatrabaho si Carl Joseph Papa, na kilala sa kanyang mga animated film gaya ng “Iti Mapukpukaw.”

“Yes, of course! I mean, napanood ko na yung mga works ni Carl before and I love it, I love it, I love it,” mabilis niyang sagot nang tanungin kung nakatulong ba ang pagkakaroon niya ng co-director na beterano sa animation.

Ayon kay Ian, isa sa hinangaan niya kay Papa ang dedikasyon nito sa trabaho.

“And he’s really such a hard-working person. Parang he is really gonna be… kahit mapuyat siya, kahit mapagod siya, he’s gonna keep on going and going and going.”

“And I love that about him. He’s so professional.”

Sa kanilang pagsasama sa set, isang simpleng aral ang tumatak kay Ian—ang huwag sumuko kahit gaano kahirap ang proseso.

“Never give up! As in ano, lahat kayo as a team, dapat dire-diretso lang. I-push lang nang i-push yung mga kailangan n’yong gawin,” ani Ian.

Direktor at artista sa iisang pelikula

Mas naging kakaiba ang hamon dahil hindi lamang direktor si Ian. Siya rin mismo ang gumaganap sa pelikula, kasama si Khalil Ramos.

Ang “Patay Gutom” ay isang supernatural romance tungkol sa isang masungit na taong namumuhay nang mag-isa na aksidenteng nakakain ng alay para sa isang multo. Dahil dito, nagkaroon siya ng kakayahang makakita ng mga espiritu at nabuo ang isang hindi pangkaraniwang ugnayan na humaharap sa mga sikreto ng pamilya, sakit ng nakaraan at pag-ibig na tumatawid sa pagitan ng buhay at kabilang buhay.

Ayon kay Khalil, naging generous na co-actor si Ian sa kabila ng responsibilidad nito bilang direktor.

“As a co-actor, sobrang generous. Sabi niya, lagi niyang worry is maging conflict iyong ano niya as a director and as an actor,” kuwento ni Khalil.

Gayunman, hindi umano iyon ipinaramdam ni Ian sa kanya.

“Pero hindi niya ipinaramdam yun sa akin. Both of them, silang dalawa ni Carl, they were super-fun to work with. Nag-e-enjoy lang kami lagi sa set,” dagdag ni Khalil.

Bilib kay Khalil

Hindi rin nakaligtas si Ian sa tanong kung pang-Best Actor ba ang pagganap ni Khalil sa pelikula.

Napatawa si Ian sa tanong, habang pabirong sumingit si Khalil:

“Siya! Siya rin! Best actor, best director!”

Sa halip na direktang magbigay ng assessment, ikinuwento ni Ian ang naging unang impresyon niya sa buong cast noong look test.

“Ang favorite na kuwento ko nga about this guy, e, silang lahat nung cast, nung nag-look test kami, parang may mga in-imagine kami kung anong gagawin nila sa characters.”

“Tapos parang nakuha nila agad sa look test pa lang. So I love working with all of them. They’re all professional.”

May kissing scene ba?

Isa rin sa mga inaabangan sa “Patay Gutom” ang chemistry nina Ian at Khalil, lalo na’t BL-themed ang pelikula.

Nang tanungin kung may intimate o kissing scene sila, natawa si Ian.

“I think panoorin n’yo yung pelikula para suspense, di ba?”

Hindi rin nagbigay ng detalye si Khalil.

“Actually may kakaibang treatment silang ginawa. Na ayaw naming i-spoil.”

Dahil dito, nanatiling palaisipan kung paano ipinakita sa pelikula ang relasyon ng kanilang mga karakter.

Bagong yugto para kay Ian

Sa pamamagitan ng “Patay Gutom,” hindi lamang bagong papel ang tinanggap ni Ian Pangilinan kundi isang bagong posisyon sa paggawa ng pelikula.

Mula sa pagiging aktor, naranasan niya mismo ang responsibilidad ng isang direktor habang patuloy na gumaganap sa harap ng kamera.

At sa unang pagkakataong ito, malinaw sa kanya ang isang bagay: mas naiintindihan niya ngayon ang pagod, sakripisyo at pagtutulungan ng buong production team.

Ang Puregold CinePanalo Film Festival 2026 ay gaganapin mula Setyembre 23 hanggang Oktubre 4 sa Gateway Cineplex 18, Trinoma, Fairview Terraces, Feliz, Ayala Malls Circuit, Ayala Malls Manila Bay, at Market! Market!. Ang “Patay Gutom” ay isa sa pitong full-length films na kalahok sa festival.