Advertisers

Advertisers

Cayetano: Inter-agency dialogue susi sa paglabas ng katotohanan sa mga proyekto sa Laguna Lake

0 4

Advertisers

Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Martes ang mga kinauukulang ahensya na mag-usap-usap para linawin at mailabas ang katotohanan hinggil sa mga kinukwestyong development projects sa Laguna Lake.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2027 budget ng Philippine Reclamation Authority (PRA) noong September 22, sinabi ni Cayetano na gayong bukas ang Taguig City sa imbestigasyon, dapat ding direktang mag-usap ang mga ahensyang may kinalaman sa mga proyekto.

“‘Pag pinag-usapan ang siyudad namin, you can investigate, everyone is open,” aniya.



Katunayan aniya, bago pa ang pagdinig ay inimbitahan na ng kanyang opisina ang pinuno ng PRA para magkalinawan at bumuo ng maayos na koordinasyon.

“Ang issue ko ay sa DPWH at LLDA at saka sa inyo (PRA). Tatlo kayong gobyerno, bakit hindi kayo mag-usap?” aniya tungkol sa Department of Public Works and Highways at Laguna Lake Development Authority.



Samu’t saring akusasyon ang patuloy na ibinabato sa Taguig nitong mga nakalipas na linggo kaugnay ng mga umano’y “illegal reclamation” project sa bahagi nito ng Laguna Lake.

Pero matapos ang mahabang pagtatanong ni Cayetano sa mga opisyal ng PRA sa pagdinig, kinumpirma mismo ng ahensya na ang mga kinukwestyong proyektong ay sakop ng DPWH at hindi ng pamahalaang lungsod ng Taguig, at DPWH din ang may responsibilidad na tumugon sa mga hinihingi ng PRA.



Dito hinimok ng senador ang PRA, DPWH, at LLDA na makipagpulong sa mga opisyal ng Taguig para harapang malinaw ang mga isyu imbes na hayaang maglitawan sa publiko ang magkakasalungat na pahayag ng mga ahensya.

“Kung nagpatawag kayo ng meeting ng DPWH at saka LLDA, kung inimbitahan n’yo y’ung local government, y’ung mga barangay involved, nangyari pa ba itong lahat na ito?” diin ni Cayetano. “We can get to the bottom of any problem if we talk.”

Importante aniya ang mga imbestigasyon sa pagtiyak ng pananagutan sa publiko, pero kailangan aniya rito ang koordinasyon, bukas na pag-uusap, at masusing pagtingin sa mga katotohanan para hindi naiipit ang mga institusyong wala namang ginagawang paglabag.

“Bugbog na bugbog y’ung reputation ng city namin… So sana na-realize n’yo lang y’ung problema ngayon and sana we’re all just circumspect,” wika niya.