Advertisers

Advertisers

BATANG ECOZONE, KAAGAPAY SA TAGUMPAY NG CEZ ECO RUN 2026; GENEVA, MURICIO, KAMPEON!

0 6

Advertisers

Matagumpay na isinagawa ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), sa pamumuno ni Director General Tereso “Theo” O. Panga, ang CEZ Eco Run 2026 na may temang “Every Step Plants Hope” sa CEZ Soccer Field sa Cavite Economic Zone (CEZ), Rosario, Cavite, nitong Linggo, Setyembre 27, na nilahukan ng mga manggagawa at iba pang kalahok na nagtaguyod ng kalusugan, pagkakaisa at aktibong pamumuhay.

Pinangasiwaan ni CEZ Administrator Atty. Ross Vincent S. Sy ang nasabing aktibidad na nagsimula sa pamamagitan ng pagpapaputok ng start gun bandang 5:45 ng umaga.

Sa temang “Every Step Plants Hope,” binigyang-diin ng fun run ang kahalagahan ng bawat hakbang tungo sa mas malusog na pamumuhay at mas matibay na samahan ng mga manggagawa sa loob ng economic zone.



Hinikayat din ang mga kalahok na isabuhay ang mensaheng “Start Strong, Finish Strong” bilang paalala ng determinasyon at disiplina sa pagtakbo at sa pang-araw-araw na buhay.

Nakiisa rin sa aktibidad ang Batang Ecozone, na kinatawan ni Atty. Redentor Dela Torre.



Sa kanyang mensahe, ipinaliwanag ni Dela Torre na ang Batang Ecozone ay investment partner ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa ilalim ng isang Memorandum of Agreement (MOA).

Layunin ng Batang Ecozone na itaguyod ang kapakanan at karapatan ng mga manggagawa sa loob ng mga economic zone, gayundin ang pagbibigay sa kanila ng sapat na representasyon sa mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor.



Buong suporta naman ang ipinahayag ng Batang Ecozone, sa pangunguna ng pangulo nitong si Engr. Jerenato “Jerry” Alfante, sa aktibidad na naglalayong palakasin ang kalusugan, pagkakaisa at aktibong pamumuhay ng mga manggagawa at komunidad sa CEZ.

Nagtala ng kani-kanilang tagumpay ang mga kalahok sa male at female categories, kung saan nag-uwi ng cash prizes at tropeo ang mga nanguna sa kani-kanilang kategorya.

Sa male category, nagkampeon si Kyle Dominic Geneva na nag-uwi ng P10,000 na premyo. Pumangalawa naman si Francis Benzon na tumanggap ng P7,000, habang pumangatlo si John Mark Reporma na nag-uwi ng P5,000 at tropeo.

Sa female category, nagwagi bilang kampeon si Ahmie May Muricio na tumanggap ng P10,000. Nanguna rin ang isang non PEZA worker na si Leslie Jane Martinez. Pumangalawa si Melanie Recafunte na nag-uwi ng P7,000, habang pumangatlo si Rosemarie Dasor na tumanggap ng P5,000 at tropeo.

Isinagawa ang CEZ Eco Run 2026 sa pagtutulungan ng PEZA at Batang Ecozone upang higit pang mapagtibay ang ugnayan ng mga kumpanya, manggagawa at iba pang stakeholder sa Cavite Economic Zone.

Sa pamamagitan ng ganitong mga aktibidad, patuloy na isinusulong ang isang malusog, aktibo at nagkakaisang komunidad sa loob ng economic zone, kasabay ng pagtataguyod sa kapakanan at karapatan ng mga manggagawa.