Advertisers

Advertisers

LTFRB, pinuri ng TNVS sector sa fare adjustment

0 35

Advertisers

Nagpasalamat ang United Transportation Coalition Philippines, Inc. (UTCPI) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pag-apruba at pagpapatupad ng kinakailangang fare adjustment para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers at iba pang public transport sectors.

Ayon sa UTCPI, malaking tulong ito sa libu-libong tsuper na matagal nang nahihirapan sa gastusin dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng fuel at matinding trapik na nagpapataas sa konsumo ng gasolina at nagpapababa sa kanilang kinikita.

Sinabi ng grupo na matapos ang ilang taon ng mga petisyon, pagdinig, konsultasyon, direktang makatutulong ang fare adjustment sa pang-araw-araw na problema sa kita ng mga driver at sa pagpapatuloy ng maayos na serbisyo ng ride-hailing.



“Bilang libu-libong tsuper na kumakayod sa kalsada, hiling lamang namin na patuloy kaming pakinggan ng pamahalaan sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng pampublikong transportasyon,” ani UTCPI President Lisza Buscaino-Redulla. “Bawat araw na naaantala ang ganitong tugon ay bawas sa naiuuwi namin sa aming pamilya, kaya umaasa kaming mapapanatili ang adjustment na ito.”

Kasabay nito, nanawagan ang UTCPI sa mga pasahero na maging mapang-unawa at mapagpasensya, dahil nakararanas din sila ng paglaki ng gastos sa araw-araw, bayarin sa bahay, at presyo ng mga pangunahing bilihin.



“Ang nais lamang namin ay manatiling patas ang kita ng bawat tsuper, upang patuloy kaming makapaghatid ng ligtas, maayos, at maaasahang serbisyo,” dagdag ni Buscaino-Redulla.
Patuloy namang babantayan ng UTCPI ang presyo ng fuel at ang epekto nito sa kita ng mga driver.

Sinabi rin ng grupo na kanilang pananatilihin ang mas malapit at mas maayos na pakikipagtulungan sa LTFRB at Department of Transportation upang matiyak na ang mga susunod na patakaran sa transportasyon ay patas, makatuwiran, at palaging isinasaalang-alang ang pangangailangan ng drivers at commuters.