Advertisers
Buong-tatag at determinasyong pinangunahan ng kampeon ng mga nakatatanda, Hon. Milagros Aquino-Magsaysay, ang panawagan sa pamahalaan para sa kapakanan ng mahigit 12 milyong senior citizens sa bansa, kasabay ng pagdiriwang ng Linggo ng Katandaang Pilipino (Elderly Filipino Week) ngayong Oktubre 1 hanggang 7.
Sa isang pormal at maalab na apela kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., iginiit ni Magsaysay ang kagyat na pagsasabatas ng Universal Social Pension Act upang matiyak na bawat Pilipinong may edad 60 pataas ay tatanggap ng nararapat na proteksyong pinansyal mula sa pamahalaan.
“Ang ating mga lolo at lola ang nagbanat ng buto, nagturo, at nagtaguyod sa henerasyong nagpapatakbo ngayon sa ating bayan. Hindi makatarungan na sa kanilang pagtanda ay nangangamba pa sila kung saan kukunin ang pambili ng gamot o pangkain sa araw-araw,” mariing pahayag ni Magsaysay. “Hindi ito limos. Ito ay laban para sa kanilang dangal, karapatan, at kapakanan.”
Layunin ng panukalang batas na tanggalin ang mga masasalimuot na patakaran at limitasyon na nagdudulot upang marami nating nakatatanda ang maitsapwera, upang matiyak na walang maiiwang lolo o lola saanmang sulok ng kapuluan.
Buong-paggalang na kinilala ni Magsaysay ang pagpapahalaga ng Pangulo sa kapakanan ng maralitang sektor, kasabay ng pakiusap na gawing ganap na batas ang panukala bilang makasaysayang pamana sa mga nakatatanda ngayong linggo ng kanilang pagpupugay.
“Mahal naming Pangulo, sa pagdiriwang po ng Linggo ng Katandaang Pilipino ngayong Oktubre 1 hanggang 7, umaasa ang 12 milyong senior citizens sa inyong malasakit at pamumuno. Ang isang lagda po ninyo ay magdudulot ng kapanatagan, kalinga, at pag-asa sa bawat tahanang Pilipino. Iparamdam po natin sa kanila na hindi sila pinababayaan ng pamahalaan.”
Nanawagan din si Magsaysay sa sambayanan, lalo na sa mga samahan ng senior citizens sa buong kapuluan, na magkaisa at iparinig ang kanilang tinig upang maisakatuparan ang batas.
“Hindi po ako titigil hangga’t hindi natutugunan ang karapatan ng bawat lolo at lola. Sa ating mga minamahal na senior citizens: magtiwala po kayo, kasama ninyo ako sa bawat laban, at titiyakin nating maririnig ang inyong boses sa Malacañang.” (Cesar Barquilla)