PROSECUTION TEAM, MAGPUPULONG KUNG AALISIN NA LANG ANG ARTICLE 3 SA IMPEACHMENT UPANG MAPAIKLI ANG PAGDINIG
Advertisers
INIHAYAG ni House Prosecutor Congressman Joel Chua (Manila, 3rd district) na nakatakdang magpulong ngayong linggo ang prosecution team upang magdesisyon kung itutuloy pa ba o hindi na ang presentasyon ng reklamong bribery laban kay Vice President Sara Duterte.
“Para makapag-prepare din ang defense team,” aniya.
Sa ilalim ng Article 3 ng impeachment complaint, ang Vice President ay inaakusahan ng pagbibigay ng ‘bribe money’ sa ilang Department of Education officials.
Ayon kay Chua, nais ng prosecution team na pabilisin ang trial kaya nila titimbangin kung sapat na ang mga ebidensiyang nauinang ipinrisinta upang ma-convict si VP Duterte.
Bukod sa pagpapabilis ng mga tanungat at paghaharap ng mga witnesses at ebidensiya, sinabi ni Chua na pinag-iisipan nila ang pag-alis na lang sa Article 3 na nauukol sa bribery, upang mapaiksi ang impeachment process sa pag-asang magkaroon na ng desisyon ang Impeachment Court sa pagtatapos ng taon.
“Ibig sabihin, ayaw namin ng mahabang hearing. Kasi, kung ito ay isasalang pa namin, baka abutin tayo ng Pasko hanggang next year. Baka hanggang Chinese New Year,” ani Chua.
Sa ginawang pag-prisinta ng Article 2 sa usaping di maipaliwanag na yaman ng Vice President habang nasa public office, sinabi ni Chua na: “Sa palagay namin ay matibay na ‘yung mga ebidensiya namin. Kung nailabas na namin ang ebidensiya na gusto naming mailabas ay pupuwedeng mabawasan ‘yung mga Articles na aming ipi-pirisinta.”
Kung di na itutuloy ang Article 3, ang prosecution ay inaasahang matatapos na sa presentasyon ng mga ebidensiya at witnesses sa loob ng kasalukuyang buwan at ang Impeachment Court ay maaring makapagdesisyon na sa December, ani Chua. (JERRY S. TAN)