Advertisers
Mr. Clean. Ito ang isa sa naging bansag kay Senador Panfilo “Ping” Lacson – dahil kailanman ay hindi nakasuhan ng graft at hindi kinukuha ang kanyang pork barrel o hindi siya pabor sa pork barrel.
Kilala din siyang tagapagtanggol ng katotohanan — bawat expose niya ay may resibo at binabangga ang lahat. In short, tablado ang lahat sa kanya.
Dahil sa mga nasaksihan kay Lacson, mataas ang respeto o tingin sa kanya ng marami. Magkagayunman, nararapat lamang na sukatin din siya sa mismong pamantayan na ginagamit niya laban sa iba. Pero ang tanong, kaya rin ba niyang ilapat sa sarili niya ang searchlight na itinututok niya sa iba?
Muling uminit ang usapin nang magpalabas si Lacson ng video ukol sa ginagawang inspeksyon ng Ombudsman, Philippine Reclamation Authority (PRA), Land Registration Authority (LRA), at DPWH sa sinasabing ilegal na reclamation. Mabilis niyang ikinabit ito salitang “impunity” ng pamahalaang lungsod ng Taguig.
Mabibigat na salita. Pero sa batas at sa simpleng lohika, ang mabigat na akusasyon ay nangangailangan ng mas mabigat na ebidensya. Ang inspeksyon ay patunay lamang na may sinusuri ang awtoridad, hindi pa ito patunay kung sino ang may kasalanan, sino ang nag-utos, o kung sangkot ba talaga ang City Hall ng Taguig.
Sapul ang sagot ng Taguig sa kulang-kulang na ebidensya ni Ping. Malinaw ang pahayag ng lungsod – hindi sa kanila ang lupang nasa video, wala silang inilabas na permit sa mga sinasabing pribadong indibidwal, at hindi nila pagmamay-ari ang aktibidad.
Kung nagsisinungaling ang Taguig, isa lang ang dapat na gawin ni Sen. Ping. Ang ilabas ang ebidensiya. Iyon nga lang, kapag totoo naman ang sinasabi ng Taguig, lumalabas na nagpapakalat ang Senador ng maling impresyon sa publiko.
Hindi natin ipinagtatanggol ang korapsyon at sa halip, ipinagtatanggol natin dito ay ang malaking pagkakaiba ng akusasyon sa patunay.
Nanindigan ang Taguig na pabor sila sa paglaban sa graft and corruption. Pero nag-iwan sila ng babala na dapat tandaan ng lahat: “The fight against corruption must always be a fight for truth, not a contest of accusations.”
Matatandaan, si Lacson ay ilang beses nang nabaha ng mabibigat na akusasyon sa kanyang karera – naugnay siya sa Kuratong Baleleng, ngunit naibasura ang kaso dahil sa kawalan ng sapat na basehan.
Sa Dacer-Corbito case, nagpalabas pa ng arrest warrant laban sa kanya bago ito tuluyang ibinasura ng Court of Appeals at Supreme Court at may mga usapin din tungkol sa kanyang serbisyo sa MISG noong Martial Law, na paulit-ulit naman niyang pinabulaanan.
Kung suriin, nakinabang si Ping sa pinakamahalagang karapatan ng bawat mamamayan – ang ituring na walang sala hangga’t hindi napapatunayan sa korte. Kung nirespeto ng sistema ang kanyang karapatan sa due process, dapat rin na irespeto ito ng Senador. Bakit ipinagkakait nga ba ni Sen. Ping ang due process? Hindi naman siguro.
At dito natin makikita ang matinding ironya sa kuwento ni Sen. Ping.
Ayon sa mga opisyal na ulat, ang kanyang declared net worth sa SALN ay lumobo mula humigit-kumulang ?58.77 milyon noong 2022 patungong ?244.94 milyon noong 2025. P186 milyon na pagtaas sa loob lamang ng tatlong taon!
Paliwanag ni Lacson, galing daw ito sa mga legal na negosyo sa real estate at trading kasama ang ilang partners noong wala siya sa gobyerno, at nagbayad naman daw siya ng kaukulang buwis. Iyon naman pala e. Malinis pala ang pinanggalingan.
Hindi natin sinasabing corrupt si Lacson dahil lang lumaki ang kanyang pera. Ang pag-aakusa nang walang ebidensya ang mismong kamaliang pinupuna natin dito. Pero may mga legal at makatwirang tanong na dapat niyang sagutin. Anong mga partikular na transaksyon ang nagpasok ng ganyang kalaking kita? Anong mga ari-arian ang nabili o naibenta? Sino-sino ang kanyang mga naging business partner? Magkano rito ang tunay na cash flow kumpara sa unrealized assets?
Kung malinis ang lahat, mas lalong tatatag ang kanyang reputasyon kung bubuksan niya ang kanyang mga libro at dokumento sa publiko. Kung baga, hindi pwedeng maging pamalit sa ebidensya ang “pantay na imahe” o “personal brand” ng pagiging Anti-Pork Barrel Hero. Ang taong naglalagay ng sarili sa pinakamataas na pedestal ng moralidad ang siyang may pinakamabigat na tungkuling magpakita na patas ang kanyang timbangan.
Kailangan ng bansa natin ang matatapang na imbestigador, masisipag na auditor, at mga korteng walang kinatatakutan. Pero hindi natin kailangan ng politikang moro-moro, kung saan ang akusasyon ay ginagawang headline, ang headline ay ginagawang pananaw ng publiko, at ang pananaw ng publiko ay ipinipilit na parang hustisya.
Kung may kasalanan ang Taguig, ilabas ang ebidensya at hayaang gumana ang batas. Kung may tumanggap ng kickback, ituro ang money trail at patunayan sa korte.
At kung itatanong naman ng publiko kung paano lumago ng ?186 milyon ang iyong yaman sa loob ng 3 taon, marahil ang magandang kasagutan dito ay ilabas ang resibo nang may parehong tapang at kumpiyansa na iginigiit ng Senador sa iba.
Sa totoong laban sa korapsyon, walang sacred cow, hindi si Cayetano, hindi ang Taguig, at lalong hindi si Ping Lacson.