Advertisers

Advertisers

P29.17-M HALAGA NG SIGARILYO, NADISKUBRE SA SCRAP METAL SHIPMENT

0 40

Advertisers

MAY P29.17 milyong halaga ng sigarilyo na nasa 320 kahon ng Astro at Redwood Cigarettes ang natuklasan ng Bureau of Customs (BOC) sa isang kargamento na idineklarang scrap metal sa Subport of North Harbor.

Sumailalim sa spot checking ang dalawang 1×20 container na nagmula sa Zamboanga, sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) K9 unit. Isang container ang natuklasang naglalaman ng mga ilegal na sigarilyo, habang ang isa naman ay may kargang white cigarette filters na nasa mga kahong may Chinese markings.

Natuklasan ang 320 kahon ng mga sigarilyo na hindi tumugma sa deklaradong laman ng kargamento. Tinatayang nasa P9.6 milyon ang import value ng mga produkto, habang umaabot sa P29.17 milyon ang kanilang presyo sa mercado.



Binigyang-diin ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na hindi magiging daan ang maling deklarasyon upang maitago ang tunay na laman ng mga shipment at makaiwas sa kaukulang customs at tax requirements.

“Malinaw ang ating paninindigan: hindi magiging daan ang maling deklarasyon para makalusot ang mga iligal na produkto. Patuloy nating paiigtingin ang ating inspections, intelligence operations, at pakikipag-ugnayan sa ating mga partner agencies upang maprotektahan ang revenue ng pamahalaan at ang lehitimong kalakalan,” ani Commissioner Nepomuceno.



Ayon naman kay Atty. Chris Noel Bendijo, BOC deputy spokesman, ang pagkakadiskubre sa mga kargamento ay bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng BOC sa intelligence-driven inspections at inter-agency coordination upang matukoy ang mga misdeclared at posibleng illicit shipments bago makapasok sa lehitimong merkado. Kasabay nito, patuloy na isinasagawa ang kaukulang proseso alinsunod sa customs at revenue laws.

Sinabi pa ni Bendijo na ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga kargamento ay naaayon sa direksyon ng administrasyon ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang border protection, tiyakin ang wastong pangongolekta ng kita ng pamahalaan, at ipatupad ang mga batas laban sa smuggling at iba pang ilegal na kalakalan.



Sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Nepomuceno, nananatiling nakatuon ang Bureau sa pagpigil sa misdeclaration at iba pang pamamaraan ng pag-iwas sa customs requirements, habang pinangangalagaan ang seguridad ng bansa at ang patas na kompetisyon para sa mga lehitimong negosyo, dagdag pa ni Bendijo. (JERRY S. TAN)