Advertisers

Advertisers

‘Maleta Boys’ tumestigo sa bail hearing ni Romualdez

0 33

Advertisers

SINIMULAN nitong Lunes, Oktubre 12, ang bail hearing ni dating House Speaker Martin Romualdez sa Sandiganbayan Third Division sa pamamagitan ng video conference kaugnay ng kasong plunder o pandarambong.

Pumirma rin si Romualdez ng pretrial order remotely sa New Quezon City Jail ng Bureau of Jail Management and Penology sa Barangay Payatas.

Nakatakdang ipresenta ng prosekusyon ang 23 witness sa bail hearing na gagawin tuwing Lunes, Martes at Huwebes.



Dalawang testigo na tinaguriang “Maleta Boys” ang dumalo sa pagdinig, kabilang sina George Villanon Jr. at Johny Buduan.

Ayon kay Atty. Levito Baligod, abogado ng grupo, humarap sa witness stand sina Villalon at Buduan sa Sandiganbayan Third Division.



Kabilang sina Villalon at Buduan sa mga dating bodyguard ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na umano’y tumulong mag-hatid ng mga sinasa-bing kickback kay Romualdez.

Unang tumestigo si Villanon, na nagsabing kabilang siya sa mga naghatid ng mga maleta na naglalaman ng pera sa isang lugar sa McKinley para kay Romualdez.



Sa pagdinig, ipinakita rin sa korte ang mga video at litrato ng mga maleta na umano’y naglalaman ng pera at iniugnay sa paghahatid nito sa tirahan ni Romualdez sa Taguig.

Ayon kay Villanon, ipinadala niya ang mga naturang video at litrato sa kanyang asawa, si Edna Balderama Peralta, noong Nobyembre 21, 2023, bandang 2:00 ng hapon.

Nang tanungin kung bakit niya ipinadala ang mga larawan at video na may kasamang mensaheng “puro pera laman niyan deliver kay Romualdez,” sinabi ni Villanon na nais lamang niyang i-update ang kanyang asawa tungkol sa kanyang ginagawa.

Magkakasamang nahaharap sina Romualdez, Co, at dalawa pang indibidwal sa kasong plunder kaugnay ng umano’y pagtanggap ng mahigit P7 bilyong kickback mula sa mga proyekto ng pamahalaan sa pagitan ng 2022 at 2025.

Gayunman, ang mga pahayag ng mga testigo ay bahagi pa lamang ng mga ebidensiyang sinusuri ng hukuman. Hindi pa ito katumbas ng pinal na hatol sa pagkakasala ng mga akusado.

Ang plunder ay non-bailable at provisional liberty na papayagan lamang kung ang ebidensya ng akusado ay hindi matibay na matutukoy naman sa bail hearing.