Advertisers
Nanawagan si Oriental Mindoro 1st District Rep. Arnan C. Panaligan sa Department of Agriculture (DA) na irekomenda sa Pangulo ang pansamantalang pagtigil sa importasyon ng karne ng baboy upang matulungan ang mga lokal na hog raiser na nalulugi dahil sa mababang presyo sa farm gate.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, iginiit ni Panaligan na nakaaapekto sa presyo ng lokal na baboy ang pagdagsa ng imported pork.
Ayon sa datos na binanggit sa pagdinig, nasa P130 hanggang P140 kada kilo ang farm gate price ng baboy, habang umaabot sa P180 hanggang P190 kada kilo ang production cost.
Ayon sa kinatawan ng DA, sapat ang suplay ng karne para sa tinatayang 172 araw, dahilan upang kuwestiyunin ang pangangailangan sa karagdagang importasyon.
Batay sa datos na ibinahagi, umabot sa 906 milyong kilo ang imported pork noong 2025, habang nasa 653 milyong kilo na ang naipasok sa bansa hanggang katapusan ng Setyembre 2026.
Binigyang-diin ni Panaligan na dapat gamitin ang importasyon upang punan ang kakulangan sa lokal na suplay, hindi upang lalong malugi ang mga Pilipinong magbababoy. Aniya, kailangan ng isang Executive Order ng Pangulo upang maipatupad ang pansamantalang pagtigil sa importasyon. (RONALD BULA)