Advertisers
NAGPAALALA si Senior Citizens Partylist Cong. Rodolfo Ompong Ordanes kaugnay sa dumaraming reklamo sa hindi pagbibigay ng 20 porsiyentong discount sa mga senior citizens kahit mayroon itong promo.
Ito ang naging pahayag ni Cong. Ordanes kasunod ng kanyang inihaing House Bill 00428 na naglalayong malinawan ang pagbibigay ng mga establishments ng 20 porsiyentong diskwento sa mga nakatatanda kahit pa mayroon ang mga ito ng promotional offers.
Agad pinalagan ni Cong. Ordanes ang mga napapaulat ng pagtanggi na mabigyan ng 20 porsiyentong diskuwento ang mga seniors matapos malaman nito sa kanyang tanggapan sa tuwing may ugnayan o dayalogo ito sa sektor ng nakatatanda kung saan madalas aniyang nakakaranas na tanggihan ang mga seniors kahit pa nasa batas ang pagbibigay ng 20 porsiyentong diskwento.
“We maintain that senior citizens must continue to enjoy their statutory 20 percent discount and value added tax (VAT) exemption, even when promotional offers are available,” mariing pagayag ni Cong. Ordanes.
Iginiit pa ng mambabatas na hindi katanggap tanggap ang ganitong uri na nararanasan ng mga senior citizens kaugnay ng pagkait sa kanila ng malalaking establishments na mapagkalooban ng 20 porsiyentong diskwento gayong malinaw sa umiiral na batas Republic Act 9994 o mas kilala bilang Expanded Senior Citizens Act of 2010 na kinakailangang pagkalooban ng 20 porsiyentong discount ang mga nakatatanda kapag itoy bumibili ng mga pagkain sa restaurants, hotels at iba pang tuluyan.
Bukod pa rito, sakop din ayon sa kongresista ang pagbibigay ng 20 diskwento sa tuwing sumasakay ang mga ito ng pampublikong sasakyan gaya ng eroplano, barko, bus, jeep, taxi o tren.
Ilan pa sa sakop ng batas ay ang pagbili ng mga gamot, bitamina, panunuod ng concert, teatro at iba pa.
Matagal ng kilala si Cong. Ordanes ng Senior Citizens Partylist bilang tagapagtanggol ng mga lolo’t lola sa pagtaguyod ng kanilang mga karapatan kung kayat hindi aniya dapat palampasin ang mga hindi tumatalima sa karapatan ng sektor ng mga nakatatanda.