Advertisers

Advertisers

MAGBABABOY, KINALAMPAG ANG DA: ANGKAT NA BABOY, KONTROLIN!

0 32

Advertisers

Pinangunahan ni AGAP Party-list Rep. Nicanor “Nikki” Briones ang panawagan ng mga lokal na magbababoy sa pagsisimula nitong Huwebes, Oktubre 22, ng tatlong araw na “pig holiday” bilang protesta sa patuloy na pagkalugi ng industriya.
Sa ilalim ng pagkilos, pansamantalang ititigil ng mga kalahok ang pagkakatay ng baboy upang igiit ang agarang aksiyon ng pamahalaan sa pagbagsak ng farmgate prices at pagdagsa ng imported na karne.
Ayon sa AGAP, hindi sila tutol sa importasyon, nguni’t dapat itong kontrolin upang hindi malugi ang mga lokal na prodyuser na buong taon na nag-aalaga at gumagastos para sa kanilang mga baboy.
Kabilang sa panawagan ni Briones ang pansamantalang pagsuspinde sa importasyon hanggang Disyembre o Enero at pagtataas ng taripa sa imported na baboy upang mabigyan ng pagkakataong makabawi ang lokal na industriya.
Nagsagawa rin ng mapayapang rally ang mga hog raiser nitong Biyernes, Oktubre 23, sa harap ng tanggapan ng Department of Agriculture (DA) na nilahukan ng mahigit isang libong mga magbababoy , upang igiit ang agarang aksiyon ng pamahalaan sa patuloy na pagkalugi ng industriya na tinatayang umaabot sa P250 milyon kada araw bunsod ng pagdagsa ng imported na baboy sa bansa..
Sa pangunguna ng AGAP, Pork Producers Federation Inc., at Philippine Pork Council Alliance Inc., naging maayos, mapayapa, at ligtas ang naturang pagtitipon.
Ipakita ng mga magbababoy na kayang ipahayag ang kanilang mga panawagan nang may pagkakaisa at kapayapaan.
Ayon kay Briones na ang problema, kapag sobra na ang pumapasok. Bumabaha ang imported na baboy sa merkado, bumabagsak ang farmgate price, at ang mga magbababoy ang nalulugi.
Kaya ang hiling ng AGAP, ibalik kaagad ang dating taripa na 30 porsiyento para sa in-quota imports at 40 porsiyento para sa out-quota imports ng baboy. Agad ihinto ang pag-aangkat ng baboy at suspendihin ang paglalabas ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPSICs) para sa mga imported na produktong baboy. Hiniling din nilang isaalang-alang ang pagkansela sa mga naunang clearance kung pinahihintulutan ng batas.

 

Aniya, pandagdag lang sa kulang ang pang-angkat ng baboy at hindi pamalit sa sariling atin.



Ayon kay Fritz Chua, chairman ng Philippine Pork Council, hindi madaling palitan ang isang alagang baboy na nawala dahil sa pagkalugi, lalo na kung araw-araw na nalulubog sa utang ang mga producer.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., pinag-aaralan ng DA ang dalawang buwang suspensiyon sa pag-iisyu ng import clearances para sa ilang pork cuts, kabilang ang kasim, liempo at pigue, na maaaring legal na maipatupad ang naturang hakbang pagsapit ng kalagitnaan ng Nobyembre.



Nagsimula na ang DA ng preliminary safeguard investigation upang alamin kung ang pagtaas ng pork imports sa nakalipas na tatlo hanggang limang taon  nagdudulot ng serious injury o banta sa domestic hog industry.

Giit naman ng mga lokal na producer, kailangan ang mas agarang interbensyon upang mapigilan ang patuloy na pagkalugi at maiwasang mapilitang tumigil sa pag-aalaga ng baboy ang mas maraming lokal na hog raiser.



Iginiit ng AGAP na ang laban ng mga magbababoy laban din ng mga pamilyang umaasa sa lokal na agrikultura at seguridad sa pagkain ng bansa.
Nanawagan din ang mga magbababoy sa pamahalaan na kumilos agad bago pa mas marami ang mawalan ng kabuhayan, kasabay ng paghikayat sa mga mamimili na tangkilikin ang lokal na produktong baboy.

Sigaw ng mga magbababoy ‘Magkaisa, manindigan at makibaka! Kabuhayan ang ipinaglalaban. Kinabukasan ang nakataya.