Advertisers

Advertisers

‘VP SARA PANG-BILYONARYA ANG BULSA!’

0 38

Advertisers

INILARAWAN ni House impeachment adviser at tagapagsalita ng prosecution na si Ace Barbers si Vice President Sara Z. Duterte bilang isang umano’y bilyonaryang nagpapakita ng simpleng pamumuhay, sa kabila ng mga tanong tungkol sa kanyang yaman at mga transaksiyong pinansiyal.

Ginawa ni Barbers, dating kinatawan at gobernador ng Surigao del Norte, ang pahayag nitong Martes habang sinusuri ang mga ebidensiyang iniharap sa impeachment trial ni Duterte sa Senado kaugnay ng hindi maipaliwanag na yaman.

“Ang tagong yaman o hindi maipaliwanag na yaman ng ating pangalawang pangulo, si Vice President Sara Duterte, ay bistado na, ayon sa ating prosecution team,” ani Barbers sa isang press briefing.



“Si VP Sara ay isang simpleng bilyonaryo daw. Pangkarinderya ang drama pero pangbilyonarya ang bulsa,” dagdag niya.

Sinabi ni Barbers na nais niyang mas maunawaan ng publiko ang mga ebidensiyang iniharap sa ilalim ng Article II, ang natitirang kasong impeachment laban kay Duterte.



“Para po maintindihan ng mabuti ng ating mga kababayan, I will refresh your memory doon sa mga natalakay dito sa impeachment court noong tinatalakay o dini-deliberate itong Article II na ito,” diin ni Barbers.

Binanggit niya ang mga rekord ng bangko na nagpapakita ng pinagsamang balanse sa katapusan ng taon na iniugnay kay Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.



Ayon sa mga rekord na tinukoy niya, umabot sa P59 milyon ang kanilang pinagsamang balanse noong 2022, P71 milyon noong 2023, P22 milyon noong 2024 at P39 milyon noong 2025.

Kinuwestiyon niya kung bakit hindi nagtutugma ang mga halagang ito sa mga nakasaad sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.

Binanggit din ni Barbers ang mga natuklasan ng forensic accounting expert na si Alexander Cabrera hinggil sa hindi bababa sa P817.87 milyong hindi idineklarang ari-arian at hindi maipaliwanag na yaman mula 2022 hanggang 2025.

Ayon kay Cabrera, maaari pang umabot sa P1.5 bilyon ang halaga batay sa mas malawak na pagkukuwenta.

Iginiit ni Barbers na mahihirapan pabulaanan ang mga ebidensiyang iniharap ng prosecution dahil nagmula ang mga ito sa mga bangko, ahensiya ng gobyerno at mismong mga rekord na may kaugnayan kay Duterte.

“Sa personal na pananaw ko, mahihirapan talaga silang pabulaanan ang mga dokumentong ito dahil una sa lahat, hindi naman galing sa prosecution ang mga dokumento. Ito ay galing mismo sa kanila,” aniya.

“Magbabago ba ang mga rekord ng bangko? May ihaharap ba silang testigo na magsasabing mali ang mga natitirang balanse na iyan?” tanong ni Barbers.

Kinuwestiyon din niya ang mga interes ni Duterte sa negosyo at kung tuluyan na ba niyang inalis ang kanyang sarili sa mga ito matapos maupo bilang bise presidente.

“Mayroon bang mga rekord na nagpapatunay na inalis niya ang kanyang sarili sa mga negosyong ito?” tanong niya.

Samantala, pinabulaanan ng kampo ni Duterte ang interpretasyon ng prosecution sa mga rekord na pinansiyal. Inaasahang magsisimulang magharap ng ebidensiya ang kanyang depensa sa Nobyembre 9.

Hindi pa naglalabas ng desisyon ang Senate impeachment court kaugnay ng natitirang kasong impeachment na may kinalaman sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman.