Advertisers
KINUWESTIYON ng Commission on Audit ang Bureau of Customs sa isyu ng 52 mamahaling sasakyan na iniulat na nakumpiska pero wala sa record ng kanilang Auction and Cargo Disposal Management Division (ACDMD) at Accounting Division.
Aabot sa P1.292 bilyon ang halaga ng nasabing mga sasakyan.
Sa 2025 audit report ng COA sa BOC na inilabas kamakailan, nakasaad na ang mga sasakyan ay naunang inilista na nakumpiska ng ahensya sa Port of Manila (POM).
Pero ayon sa COA report, ang mga report tungkol dito ay kulang-kulang o kaya naman ay wala talagang isinumite ang Auction and Cargo Disposal Division (ACDD).
Sa talaan ng ACDD mayroon itong inilagay na 4,803 cases o entries, pero 2,849 lamang ang nakarekord sa ACDMD at sa Accounting Division.
Dahil sa mga ganitong insidente sinabi ng COA na kadalasang nagkakaroon ng unauthorized disposal ng mga nakukumpiskang assets.
Ayon sa ACDMD, naglabas na sila ng kautusan at paalala sa lahat ng mga pantalan para tumalima sa monthly submission at pagtitiyak ng maayos na monitoring, reconciliation at recording.
Pero ayon sa COA sa kabila nito ay hindi pa rin nagkaroon ng full compliance.