Advertisers

Advertisers

Bagong UdM itatayo sa Ubelt: Manila LGU, pumirma ng P975M kasunduan sa Landbank

0 15

Advertisers

Magkakaroon na ng permanenteng lugar ang Unibersidad de Manila matapos makuha ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang walong magkakatabing ari-arian sa kahabaan ng C.M. Recto Avenue mula sa Land Bank of the Philippines sa halagang P975 milyon, na magsisilbing permanenteng tahanan ng Universidad de Manila sa puso ng University Belt.

Sa ginanap na ceremonial signing , inanunsyo ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang pagbili sa ng Contract to Sell sa Bulwagang Katipunan, Manila City Hall nitong Huwebes, Nobyembre 12. Aniya, orihinal na nagkakahalaga ng P2.3 bilyon ang ari-arian bago ito napababa ng lungsod sa pamamagitan ng financial engineering.

“Ito pong property na ito ay nagkakahalagang tumataginting na 2.3 billion pesos. Kaya ko kayo pinapapalakpakan sa kanila eh, kasi nakuha lang natin ng 975 million pesos,” ani Domagoso.



Ang transaksyon ay isinagawa sa pamamagitan ng installment arrangement, kung saan maging ang down payment ay binayaran nang hulugan.

Ang kaluwagang ito ay iniugnay ng Alkalde sa tiwala ng Landbank sa bumubuting fiscal discipline ng lungsod at sa layunin nitong para sa publiko.



Ang bagong campus, na may lawak na 7,000 square meters at may frontages sa Recto at Bilibid Viejo, ay magpapalawak sa UdM mula 48 hanggang 84 na silid-aralan at magdadagdag ng 8 bagong laboratory facility, habang lalago ang kapasidad ng mga mag-aaral mula 9,000 hanggang 20,000.

Inamin ni Domagoso na matagal nang nag-o-operate ang UdM sa hiwa-hiwalay na mga lugar, at sinabing sa wakas ay natugunan na ng pagbili ang matagal nang suliranin.



“Doon nagkasabi, naghahanap kami ng lugar na matuldukan na at magkaroon na ng pag-aari o pagmamay-ari ang UDM. Kasi ang UDM po ay sabog-sabog eh, disintegrated,” aniya.

Sinabi naman ni Land Bank of the Philippines President at CEO Lynette V. Ortiz na nakahanda ang Landbank na suportahan ang lungsod kahit lagpas sa bentahan, kabilang ang pagbibigay ng kapital upang ayusin ang mga ari-arian at gawing Cash-Lite Campus ang campus sa ilalim ng digital financial inclusion program nito.

“We are prepared to extend capital and support to make sure that this dream becomes a reality sooner rather than later,” ani Ortiz.

Sa oras na makumpleto ang mga bayarin, ililipat ang titulo ng ari-arian sa Universidad de Manila bilang institusyon, na magbibigay sa unibersidad ng permanenteng pagmamay-ari ng campus nito na hindi nakadepende sa mga susunod na administrasyon ng lungsod.

Target ng lungsod ang ganap na operasyon sa bagong UdM campus pagsapit ng 2028. (Jocelyn Domenden)