Advertisers
DALAWANG suspek sa pagnanakaw ang napatay ng mga rumespondeng tauhan ng pulisya matapos holdapin ang isang pulis na nagsasagawa ng surveillance operations sa kanto ng Cayetano Boulevard at Bagong Calzada, Barangay Ususan, Taguig City.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na bandang 12:40 PM noong Nobyembre 12, 2026, ang biktima, kasama ang tatlo pang miyembro ng Station Intelligence Section ng Taguig City Police Station, ay nagsasagawa ng surveillance operations sa lugar kaugnay ng isang Most Wanted Person na binabantayan sa paligid.
Habang nakatayo sa tabi ng tindahan ng pares at carwash, nilapitan ang biktima ng dalawang lalaking suspek na nagdeklara ng hold-up at tinutukan ito ng baril.
Sapilitang kinuha ng isa sa mga suspek ang kwintas ng biktima habang ang isa naman ay nakatutok sa kanya ng baril. Agad humingi ng tulong sa pulisya ang biktima sa pamamagitan ng 911.
Mabilis na nagtungo sa lugar ang mga rumespondeng tauhan mula sa Sub-Station 4, kasama ang mga intelligence operatives. Pagdating, nakita nila ang dalawang suspek na nagtangkang tumakas sakay ng isang motorsiklo.
Habang papatakas ang mga suspek ay pinaputukan umano ng mga ito ang mga rumespondeng tauhan ng pulisya dahilan para gumanti ng putok ang huli na nagresulta sa armadong komprontasyon.
Parehong nagtamo ng mga tama ng bala ng baril ang dalawang suspek at kasunod na idineklarang patay. Kinilala ang isa sa mga suspek na si alyas “Flor,” 47, kalaunan ay nakilalang lider ng isang robbery-hold-up group habang hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng isa. Narekober sa operasyon ang ninakaw na kwintas ng biktima.
Sa palitan ng putok, nagtamo ng tama ng bala ng baril ang isa sa mga rumespondeng intelligence personnel ng Station Intelligence Section ng Taguig CPS. Agad siyang dinala sa The Medical City–Taguig para magamot.
Pinuri ni Southern Police District ( SPD ) Director PBGEN Rodel Pastor PASTOR, ang mga rumespondeng tauhan para sa kanilang mabilis na aksyon.
Binigyang-diin niya na ang mga tauhan ng SPD ay nananatiling may tungkulin na protektahan ang komunidad, tiyak na tumugon sa mga banta ng kriminal, at itaguyod ang pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo at pananagutan sa bawat operasyon ng pulisya.
Ang Southern Police District, sa ilalim ng mga prinsipyo ng pamumuno ng TSAPA ng PBGEN PASTOR—Trustworthy, Service-oriented, Accessible, Professional, at Accountable—ay nananatiling nakatuon sa paghahatid ng tumutugon na serbisyo ng pulisya, pagprotekta sa publiko, at pagpapanagot sa mga masasamang elemento. (JOJO SADIWA)