Advertisers

Advertisers

VP SARA, WALANG PERA SA SALN PERO P200K DINNER NG MISTER

0 25

Advertisers

Paano maipapaliwanag ni Vice President Sara Z. Duterte na wala siyang iniulat na perang hawak o nakadeposito sa bangko, gayong kayang gumastos ng kanyang asawa ng mahigit P200,000 para lamang sa isang hapunan?

Ito ang kuwestiyong ibinato ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa kampo ni Duterte, kaugnay ng umano’y malaking kontradiksyon sa pagitan ng kanyang mga sinumpaang deklarasyon sa pananalapi at aktuwal na paggasta ng kanyang pamilya.

Sa panayam ni Korina Sanchez-Roxas sa programang “Memo” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Adiong na nakasaad sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Duterte na wala siyang cash on hand at cash in bank mula 2022 hanggang 2025.



“Paano ninyo maipapaliwanag na sa SALN ng bise presidente ay wala siyang cash on hand simula 2022 hanggang 2025? Wala rin siyang cash in bank. Zero, none,” ani Adiong.

Inihambing ni Adiong ang naturang deklarasyon sa testimonya tungkol sa mahigit P200,000 na bayarin sa isang restaurant na binayaran umano ng asawa ng bise presidente na si Atty. Manases Carpio.



Nauna nang iniharap ng depensa si Atty. Anel Martin Antero upang ipaliwanag ang restaurant transaction na nagkakahalaga ng P205,007.29 sa Tokyo, Japan noong Mayo 2023.

Ayon kay Antero, 11 katao ang dumalo sa naturang hapunan at napagkasunduang paghati-hatian ng mga ito ang gastusin.



Gayunman, iginiit ni Adiong na ang mas mahalagang usapin ay kung tunay na sumasalamin sa kabuuang ari-arian at yaman ni Duterte ang kanyang mga deklarasyon sa SALN.

“So we would like to find out whether or not these P817 million have explanation,” ani Adiong.

Binigyang-diin niya na kailangang patunayan ng depensa kung nagmula sa legal na pagkakakitaan ang mga ari-ariang kinukuwestiyon ng prosekusyon.

“Kung wala pong paliwanag, unexplained wealth po ‘yan,” ani Adiong.

Dagdag pa niya, ang mga ari-ariang sadyang hindi isinama sa mga sinumpaang deklarasyon ay maaari umanong ituring na nakatagong yaman.