Advertisers

Advertisers

DOE: Legal action sa mga oil firms na ‘di sumusunod sa price rollback, pinag-aaralan

0 17

Advertisers

INANUNSYO ni Oil Industry Management Bureau Dir. Rino Abad na umabot sa 213 gasoline stations ang kanilang sinuri sa isinagawang inspeksyon noong Nobyembre 10 hanggang 13, 2026 kung saan 114 sa mga ito ang natuklasang hindi nagpatupad ng tamang bawas-presyo.

Ayon sa ahensya, sa halip na ibaba nang wasto ang presyo gaya ng nararapat na bawas ay kulang o hindi tugma ang ipinatupad ng ilang estasyon.

Personal aniya nilang sinuri ang 97 sa mga nasabing gasoline stations upang matiyak ang pagsunod sa direktiba. Noong Biyernes, pormal nang nai-endorso ng grupo ang inspection report sa legal department ng DOE para sa kaukulang legal action.



Kasabay nito, nagpulong din noong Biyernes ang mga field offices at legal services upang pag-aralan ang mga magiging hakbang sa mga isasampang kaso. Ayon sa ahensya, dalawang pangunahing batas ang gagamitin sa pag-aaral ng mga dokumento sakaling umabot sa pormal na demanda ang mga paglabag.

Ang una ay ang Oil Regulation Law kung saan ang hindi pagsunod sa mandated price adjustment ay may parusa sa korte na 3 buwan hanggang 1 taong pagkakakulong at multang 50,000 hanggang 300,000 piso.



Pangalawa ay ang Presidential Decree 1865, partikular ang Section 2(E) laban sa overpricing ng petroleum products. Sa ilalim nito, ang lumalabag ay nahaharap sa administrative fine na 10,000 piso, suspensyon o pagbawi ng permit, pati na rin sa criminal penalty na 20,000 hanggang 50,000 piso at pagkakakulong ng 2 hanggang 5 taon.

Bilang bahagi ng proseso, binigyan ng 72 oras ang mga nasabing estasyon upang magsumite ng paliwanag sa pamamagitan ng show cause order. Karamihan sa kanilang katwiran ay ang pagkaka-stock ng mga produktong nakuha sa mas mataas na presyo mula sa kanilang mga mother companies noong nakaraang linggo.



Gayunpaman, nilinaw ng ahensya na tinalakay na ito kasama ang legal services at mga oil companies, kung saan napagkasunduan na kung paano pinapaboran ang pagtataas ng presyo kapag nagmamahal ang produkto, ay dapat ding maipatupad ang kaukulang bawas sa panahong may price rollback.

Nagpatupad muli ang Department of Energy (DOE) ng panibagong oil price rollback kung saan may bawas na P1.50 sa kada litro ng gasolina, P3.80 sa diesel, at P5.80 sa kerosene.