Advertisers

Advertisers

RISA KONTRA POGO (1)

0 16

Advertisers

HINDI si Sen. Risa Hontiveros ang tuwirang pumuksa sa mga kompanyang dayuhan na POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) na naglipana sa buong panahon ni Gongdi hanggang sa unang dalawang taon ni BBM. Pero si Risa ang dahilan upang bigyan ng daan ang kampanya na lusawin sila at hindi na makapinsala sa bansa.

Ang dayuhang POGO ang mga kompanyang nagpapasugal sa ibang bansa sa pamamagitan ng teknolohiyang digital (online). Umabot sa mahigit sa 300 ang mga kompanyang POGO. Dumami sila noong panahon ni Rodrigo Duterte dahil labis na kampi ito sa China. Sila ang palabigasan ng pamilya Duterte at iba pang tauhan tulad ni Bong Go at Harry Roque.

Dahil mambabatas si Risa, wala siyang angking poder upang hulihin, usigin, at ipatapon ang mga dayuhan na nasa likod ng sangkaterbang POGO na hayagang naging abusado sa kanilang operasyon sa bansa. Ngunit si Risa ang nagtiyagang kumilos upang isapubliko ang maraming katibayan ng kanilang mga mapaminsalang operasyon. Karaniwang pag-aari ang mga POGO ng mga Intsik na kriminal sa China, Taiwan, Cambodia, Myanmar, Laos, at iba pang bansa sa Silangang Asya.



Ginamit ni Risa ang kanyang poder bilang senadora. Naging armas niya ang kapangyarihan niya na maglunsad ng mga pagsisiyasat upang isaayos ang mga polisiya at batas. Ang mga inisyatiba sa pagsisiyasat na inumpisahan ni Risa sa Senado ang naging batayan ng Ehekutibo sa ilalim ni BBM na kumilos at tuluyang wasakin ang imprastraktura ng mga POGO sa bansa.

Bilang hepe ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, inumpisahan ni Risa ang 19-buwan imbestigasyon mula 2023 hanggang ika-26 ng Nobyembre, 2024 sa operasyon ng mga POGO sa kasama. Tinalakay ng komite niya ang operasyon ng mga kompanyang POGO kaugnay sa mga usapin ng human trafficking, forced labor, cyber fraud, at national security. Hindi lang ang isyu ng gaming at buwis ang inusisa ng komite niya.



Mahalaga ito dahil sa mahabang panahon, ipinagtanggol ng PAGCOR ang mga POGO dahil sila ang isa sa pinanggagalingan ng buwis na panustos sa pamahalaan. Iniba ni Risa ang kuwento at sinabing: “Human trafficking is part of their business model.” Ang ibig sabihin: problema ang mga POGO at hindi sila nakatulong upang umangat ang bansa. Sa huli, lugi ang Filipinas dahil hindi sapat ang buwis nila upang tapatan ang malawakang pinsala nila sa lipunang Filipino.

Maraming problemang panlipunan ang dala ng mga POGO: krimen tulad ng kidnapping at patayan, panggugulpi, prostitusyon, at walang humpay na labas-pasok ng mga dayuhang kriminal. May dala silang problema sa pambansang seguridad ng bansa dahil marami sa kanila ang biglang naging Filipino dahil sa mga pekeng papeles. Pinaghihinalaan ang marami sa kanila na mga espiya ng China.



Si Risa ang unang naglatag sa publiko tungkol sa pinsalang dala ng mga kompanyang POGO. Siya ang nagsiwalat ng “pastillas scam,” kung saan ang mga dumarating ng dayuhan POGO worker (karaniwan ay mga Intsik galing ng China) ay nagbibigay ng suhol sa mga opisyales ng Bureau of Immigration sa paliparan. Sinunod kasi ng gobyerno ni Gongdi at nagpatuloy sa unang taon ng administrasyong BBM ang visa upon arrival (VUA) polisiya kung saan sa airort na binigyan ang visa ang mga dayuhan.

Natuklasan ng komite niya na inabuso ng mga Chinese POGO worker ang patakaran ng VUA dahil pumasok sila sa bansa na hindi sumailalim sa pagsusuri dahil sinuhulan ang ga korap na opisyales at tauhan ng Bureau of Immigration. Ito ang naging batayan upang tuwiran alisin ang patakaran visa-free at VUA. Si Risa ang dahilan upang isiniwalat sa publiko noong 2024 ang POGO hub sa Pasay City kung saan natuklasan mula sa mga ipinatawag na opisyal ng mga kompanyang na-raid ang malawakang sex trafficking, illegal detention, at torture doon.

Huwag kalimutan na si Risa rin ang isa sa mga dahilan sa pagkakasiwalat ng maanomalyang operasyon sa Bamban, Tarlac ng kompanyang Zun Yuan Technology, Inc, isang kompanyang POGO. Ika-24 ng Abril 2024 ng nag-inspeksyon si Risa Bamban hub pagkatapos ng raid ng pinagsamang puwersa ng PNP at PAOCC sa human trafficking at serious illegal detention. Sinabi noon ng POCC sa kanya na may anim na puganteng Intsik ang nahuli sa loob na nagpapatakbo ng mga love scams at crypto investment scams.

Dahil sa mga natuklasan ni Risa, tinawag niya ang mga POGOs: “Hotspot of fugitives. Lungga ng mga kriminal.” Nabisto rin sa raid na iyan ang alkalde noong ng Bamban na sa Alice Guo (Guo Huaping sa tunay na buhay) ang kanyang huwag na pagkakakilanlan bilang Filipino, kaugnayan sa mga lider ng ibang POGO, at ang kaugnayan sa paniniktik ng mga Intsik sa ating bansa.

Sa huling pagdinig ng komite niya noong ika 26 ng Nob., 2024, ibinisto ni Risa ang ilang kilalang personalidad bilang nasa likod ng mga POGO. Kasama sa kanila si Guo at si Harry Roque, dating tagapagsalita ni Gongdi.

Kasama sa mga dinikdik ng komite ni Risa ang kontrobersiyal na si Roque ng mga katanungan hinggil sa kanyang partisipasyon sa ilegal na operasyon ng POGO sa kanyang pagharap sa komite noong ika-29 ng Hulyo, 2024. Ito ang pagkakataon na nagbabala si Risa Hontiveros sa operasyon ng Chinese intelligence na ayon sa kanya ay hindi mapagkakatiwalaan.

Ginamit ng mga DoJ prosecutor ang mga nakalap na ebidensya mula sa komite niya. Noong ika-20 ng Nob., 2025, nagbaba ang Pasig RTC Branch 167 ng sentensiyang habambuhay na pagkakakulong kay Alice Guo at tatlong iba pa – Rachelle Malonzo Carreon, Jaimielyn Cruz, Walter Wong Rong – ng qualified human trafficking.

Ani Risa: “This Senate investigation delivered unprecedented results: it helped secure a presidential executive order banning POGOs, provided evidence towards a guilty verdict, sending a criminal to prison for life, and contributed to passage of Anti-POGO Law of 2025.”