SENADOR VILLAR, INIHAIN ANG KONTRA MALISYOSONG AI ACT; HINIHIKAYAT ANG RESPONSABLENG PAGGAMIT NG AI AT PAGPROTEKTA SA MGA PILIPINO LABAN SA PANG-AABUSO SA DEEPFAKE
Advertisers
Sa gitna ng pagdami ng mga online scam at panggagaya sa pagkakakilanlan ng ibang tao na dahil sa artificial intelligence (AI), naghain si Senator Mark A. Villar ng panukalang batas na naglalayong pigilan ang mapanlinlang na paggamit ng teknolohiyang ito at papanagutin ang mga nasa likod nito, kabilang ang mga digital platform.
Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2620, o ang panukalang “Kontra Malisyosong AI Act,” nais ni Villar na magkaroon ng regulasyon sa paglikha, paglalantad, at pagpapakalat ng mga imahen, bidyo, audio, at iba pang materyal na nilikha o binago gamit ang AI, partikular ang mga deepfake na gumagamit sa mukha, boses, anyo, at iba pang personal na pagkakakilanlan ng isang tao nang walang pahintulot.
Bilang pangunahing may-akda ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), binigyang-diin ni Villar ang lumalaking banta ng mga krimeng gumagamit ng AI, kung saan nakakagawa ang mga scammer ng kapani-paniwalang pekeng larawan, bidyo, at recording ng boses upang magpanggap na kamag-anak, opisyal ng pamahalaan, business executive, at iba pang pinagkakatiwalaang indibidwal. Maaari itong gamitin sa panloloko sa pananalapi, phishing, pagnanakaw ng pagkakakilanlan, pangha-harass, paninirang-puri, at pagpapakalat ng malaswa o seksuwal na materyal nang walang pahintulot.
“Habang patuloy na umuunlad ang artificial intelligence, dapat din nating palakasin ang ating mga pananggalang laban sa mga gumagamit nito sa panloloko at pananamantala. Hindi dapat maging kasangkapan ang makabagong teknolohiya upang nakawin ang pagkakakilanlan ng isang tao, sirain ang kanyang reputasyon, o ilagay sa panganib ang kanyang kabuhayan,” ani Villar.
Kabilang sa mahahalagang probisyon ng panukala ang obligadong paglalagay ng malinaw na abiso sa mga materyal na nilikha o binago gamit ang AI na ipamamahagi sa publiko. Ang mga bidyo at iba pang materyal na may parehong audio at visual na elemento ay kailangang lagyan ng pasalita at nakasulat na abiso, kasama ang nakikitang palatandaan o link na nagsasaad na ang nilalaman ay nilikha o binago gamit ang AI. Para naman sa audio-only content, kinakailangan ang pasalitang abiso, habang ang mga visual-only material ay dapat may malinaw at nababasang abiso sa buong tagal ng pagpapakita nito.
Inaatasan din ng panukala ang pagkuha ng paunang nakasulat o digital na pahintulot mula sa taong inilalarawan sa isang deepfake kung ang paggamit nito ay maaaring magdulot ng pinsala, panlilinlang, pangha-harass, pananakot, pagkabalisa, o pagsasamantala. Saklaw nito ang mga mapanlinlang o walang pahintulot na paggamit sa komersiyo, advertising, pag-eendorso, seksuwal o pornograpikong materyal, at mga gawaing pampulitika, gayundin ang pagpapanggap para sa scam, phishing, pagnanakaw ng pagkakakilanlan, at iba pang uri ng panloloko.
“May karapatan ang bawat Pilipino na protektahan ang kanyang mukha, boses, at pagkakakilanlan. Dapat malinaw kung alin ang tunay at alin ang artipisyal, at hindi dapat gamitin ang pagkakakilanlan ng sinuman upang manloko o manamantala,” dagdag ni Villar.
Upang mabigyan ng agarang proteksiyon ang mga biktima, inaatasan din ng panukala ang mga digital platform na may operasyon sa Pilipinas na magtatag ng madaling ma-access na mekanismo para sa pagsusumbong at alisin o harangin ang pag-access sa iniulat na mapanlabag na content sa loob ng bente kwatro oras mula nang matanggap ang reklamo ng taong inilalarawan o ginagaya, o ng kanyang magulang o tagapag-alaga kung menor de edad ang biktima.
Dapat ding ipatanggal ng biktima ng mga mapanirang materyal, kabilang ang mga kopya at muling pag-upload ng mga ito, at magsampa ng paghahabol para sa danyos na laban sa gumawa ng Deepfake. Maaari rin silang humingi ng utos ng hukuman upang mapigilan ang patuloy na paglikha at pagpapakalat ng naturang content.
Nagtatakda rin ang panukala ng mabibigat na parusa sa mga lalabag. Ang mga hindi susunod sa mga kinakailangang abiso ay maaaring pagmultahin ng P200,000 hanggang P300,000.
Samantala, ang sinumang sadyang lilikha, gagawa, o magpapakalat ng deepfake nang walang kinakailangang pahintulot ay maaaring makulong ng dalawa hanggang apat na taon at pagmultahin ng P250,000 hanggang P500,000. Mas mabigat ang parusa kung menor de edad ang biktima, na may pagkakakulong ng walo hanggang 12 taon at multang P500,000 hanggang P1 milyon.
Maaari ring pagmultahin ang mga digital platform na hindi susunod sa 24-oras na takdang panahon ng pagtanggal ng mapanlabag na content ng P200,000 sa unang paglabag at P300,000 sa bawat susunod na paglabag.
Binigyang-diin ni Villar na hindi layunin ng panukala na hadlangan ang pag-unlad ng teknolohiya o ang lehitimong paggamit ng AI, kundi tiyaking may kaakibat na pananagutan at paggalang sa karapatan ng bawat indibidwal ang mga makabagong inobasyon.