Advertisers
Kailangang ipakita ng gobyerno na mapagkakatiwalaan ito sa paggastos at pangungutang para mahikayat ang mga Pilipinong boluntaryong tumulong sa pagbabayad ng lumolobong utang ng bansa.
Ito ang binigyang diin ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa isang Facebook livestream nitong Martes, November 24.
“We have a crisis of trust. No one trusts the government and government officials,” aniya.
Ipinapaliwanag ni Cayetano sa kanyang livestream ang ideyang binanggit niya sa plenary debate ng Senado kahapon tungkol sa panukalang 2027 national budget: magbukas ang gobyerno ng mekanismo para sa donasyon ng mga Pilipinong gustong tumulong sa pagbabayad ng utang ng bansa.
Paglilinaw niya, hindi nito layuning dagdagan ang gastusin ng mga ordinaryong Pilipino o ipasa sa kanila ang responsibilidad ng gobyerno.
Aniya, isa itong paraan para makapag-ambag ang mga Pilipinong nais at may kakayahang tumulong, lalo ang mayayaman.
“There’s no mechanism [for voluntary contributions] because no one thinks that anyone will donate because we think our government, not just this government, but government after government, it’s just kung sino mas corrupt,” wika niya.
Ayon sa Bureau of the Treasury nitong September, nasa P19.66 trilyon na ang utang ng pamahalaan, o katumbas ng higit P170,000 kada Pilipino.
Diin ni Cayetano, dapat sabayan ang anumang boluntaryong paga-ambag ng maayos na paggastos ng gobyerno at responsableng pag-utang nito.
“The proposal to allow ourselves to pay part of our loan or get other people, one, is purely voluntary. Two, dapat gastusin nang tama ng gobyerno ang pera na nakokolekta. Three, i-monitor nang husto y’ung loans,” aniya.
Paliwanag niya, hindi naman masama ang mangutang basta mas malaki ang pakinabang nito sa bansa kaysa dapat bayaran.
“We need to borrow less and borrow efficiently,” aniya. “Nakikita ko kasi over the years, marami tayong inutang na hindi dapat… Ang problema, hindi ito dumadaan ng Kongreso until it’s too late.”
Sa pagtatapos ng livestream, nanawagan si Cayetano ng pagtutulungan at pagmamalasakit sa isa’t isa upang harapin ang mga problema ng bansa.
Sinabi niyang isa lang sa mga posibleng solusyon sa lumalaking utang ang boluntaryong kontribusyon.
Hinikayat niya ang mga opisyal ng gobyerno at mga mamamayan na magbigay rin ng mga ideya at makibahagi sa pagtugon sa mga hamon sa ekonomiya.
“I’m not willing to do nothing,” aniya. “It (voluntary contribution) might seem like a silly idea to some. It might seem like a good idea to others. It might be an idea na hindi pa timing. But ang point ko, we need many ideas. We need to help each other. We need to love each other.”