Advertisers

Advertisers

SEN. ERWIN TULFO: PAGTUTULONG-TULONG NG BUONG GOBYERNO, KAILANGAN PARA SA TURISMO NG BANSA

0 14

Advertisers

Binigyang-diin ni Senator Erwin Tulfo nitong Martes ang pangangailangan ng isang whole-of-government approach o sama-samang pagkilos ng lahat ng ahensya ng gobyerno upang mapalakas ang turismo sa Pilipinas.

Ito ay sa kabila ng bilyon-bilyong pisong potensyal na kita sa ekonomiya na maaaring makamit kung matutugunan ang mga problemang kinakaharap ng industriya.

Sa pagdepensa sa panukalang P4.03-bilyong budget ng Department of Tourism (DOT) para sa 2027 sa plenaryo ng Senado, muling tinukoy ni Tulfo ang mga problemang nararanasan ng mga lokal at dayuhang turista tuwing bumibisita sila sa Pilipinas para mamasyal at magbakasyon.



Kabilang sa mga isyung binanggit ni Tulfo ang mahal na pamasahe at kakulangan ng mga flight patungo sa mga world-class na isla gaya ng Coron at El Nido sa Palawan, Siargao, at Batanes; maliliit na paliparan malapit sa mga pangunahing tourist site sa bansa; kawalan ng maayos na koneksyon sa pagitan ng mga transport hub; sira-sirang mga kalsada sa mga lalawigan; kakulangan ng mga pasilidad medikal na maaaring tumugon sa pangangailangan ng mga turista at ang tila sobrang mahal na presyo ng pagkain na kung minsan ay sinasamantala ng ilang negosyo.

“Lahat ng mga problemang ito, kailangan ang tinatawag na ‘whole-of-government approach.’ Dapat kumilos ang Department of Transportation (DOTr) upang suriin ang mga pamasahe at tanungin ang mga airline kung bakit napakamahal ng kanilang singil. Kailangan ding kumilos ang DPWH dahil inalisan mo na ng budget ang Tourism Road Infrastructure Program (TRIP) ng DOT at tinanggal mo rin ang budget ng TIEZA,” ani Tulfo.



“Gayundin ang Department of Health. Wala ba kayong mga ospital? Kapag may na-dikya o may nalunod, paano ninyo tutulungan ang mga turista? Maging ang DICT, hinahanap ng mga turista ang Wi-Fi. Pero sa mga tourist destination, wala namang Wi-Fi,” dagdag pa niya.

Para umano kay Tulfo, ang pagtugon sa mga pangunahing pangangailangang ito ay magpapataas sa kalidad ng turismo na maiaalok ng Pilipinas, hindi lamang sa mga dayuhan kundi maging sa mga kapwa Pilipino na nais tuklasin ang mga natatanging yaman at ganda ng sariling bansa.



“Kailangang kumilos talaga ang lahat ng ahensya upang tulungan ang Department of Tourism. Kung hindi, hindi talaga kakayanin ng Department of Tourism na mag-isang tugunan ang mga problemang ito,” pahayag pa niya.

Samantala, inaprubahan na sa plenaryo ang budget ng DOT nang walang pagtutol mula sa iba pang senador at sasailalim na ito sa mga indibidwal at institusyonal na pag-amyenda. (JERRY S. TAN)