Advertisers

Advertisers

Alfante, itutulak partylist bid sa 2028 polls: BATANG ECOZONE, BOSES NG MANGGAGAWA SA KONGRESO!

0 18

Advertisers

PORMAL nang nagpasya ang mga opisyal at miyembro ng Batang Ecozone (BEZ) na isulong ang paglahok ng organisasyon sa 2028 National and Local Elections sa pamamagitan ng party-list system upang magkaroon ng kinatawan sa Kongreso ang mga manggagawa at iba pang sektor sa mga economic zone sa buong bansa.

Ito ang naging pangunahing usapin sa Special General Assembly ng BEZ nitong Biyernes, Nobyembre 27, 2026, sa Marco Wiring Building, Block 13, Phase 1, Lot 11, Cavite Economic Zone (CEZ), Rosario, Cavite, na dinaluhan ng 411 opisyal at miyembro, kabilang ang mga lumahok online mula sa iba’t ibang economic zone sa bansa.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Engr. Jerenato “Jerry” Alfante, National President ng Batang Ecozone, na layunin ng organisasyon na maging boses sa Kongreso ng mga manggagawa sa economic zones upang maisulong ang kanilang mga karapatan, kapakanan at pangangailangan.



Ibinahagi ni Alfante na sa loob ng 20 taon niyang pagtatrabaho sa economic zone, hindi niya nakikita ang sapat na tulong mula sa pamahalaan na direktang nakararating sa mga manggagawa, sa kabila ng kanilang pagbabayad ng buwis.

Dahil dito, nais ni Alfante na matiyak na mabibigyan ang mga manggagawa at kanilang pamilya ng nararapat na suporta, mas maraming oportunidad at serbisyong makatutulong sa pagpapabuti ng kanilang kabuhayan.



“Kaya andito tayo ngayon, ang Batang Ecozone, para magkaroon ng boses sa Kongreso,” pahayag ni Alfante.

Nilinaw ni Alfante na kabilang sa mga layunin ng BEZ ang pagsusulong ng dignidad sa paggawa sa loob ng economic zones, gayundin ang paglikha ng karagdagang oportunidad sa trabaho para sa mga pamilyang nangangailangan ng mapagkakakitaan.



Ayon sa kanya, nais din nilang makatulong sa mga pamilya ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pag-uugnay sa kanila sa mga oportunidad sa trabaho sa kani-kanilang lugar, kabilang ang Batangas at iba pang lalawigan.

Hinimok din ni Alfante ang mga miyembro na aktibong makibahagi sa pagbuo ng direksyon at programa ng organisasyon. Binigyang-diin niyang mahalaga ang kanilang mga tanong, karanasan at mungkahi bago magpasya sa mahahalagang usapin.

“Ang inyong mga tanong, karanasan at mungkahi ay mahalaga sa pagbuo ng ating programa at direksyon,” aniya.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang palakasin at pagtibayin ang Constitution and By-Laws, Vision and Mission at Party Platform upang maging malinaw sa lahat ang mga prinsipyo, paraan ng pakikilahok at mga programang sama-samang isusulong ng organisasyon.

Sa naturang assembly, tinalakay ang panukalang petisyon sa Commission on Elections (COMELEC) para sa pagpaparehistro ng BEZ bilang sektoral na organisasyon sa ilalim ng party-list system.

Pinagpasiyahan din ang pagbibigay ng awtoridad kina Alfante at Atty. Pastor M. Dalmacion Jr. upang lumagda at magsumite ng mga kinakailangang dokumento sa COMELEC.

Isinagawa rin ang membership oath, pagpirma sa mga boluntaryong kasunduan at paglagda o paglalagay ng thumbmark ng bawat miyembro bilang patunay ng kanilang indibidwal na pagsang-ayon sa paghahain ng petisyon.

Kasama rin sa mga tinalakay ang pagpapatibay sa BEZ Constitution and By-Laws, Vision and Mission, Party Platform at Strategic Direction, gayundin ang konsultasyon sa panukalang opisyal na logo na isusumite para sa pag-apruba ng National Council.

Binigyang-diin ni Alfante na ang Batang Ecozone ay hindi lamang para sa mga opisyal nito kundi para sa lahat ng manggagawa at pamilyang nais nitong matulungan.

Hiniling niya ang tiwala at suporta ng mga miyembro upang sama-sama nilang maisulong ang mga layunin ng organisasyon na magkaroon ng mas maayos na kabuhayan, disenteng trabaho at mas maraming oportunidad para sa mga manggagawa sa economic zones sa buong Pilipinas.