Advertisers
BINUBUSISI ngayon ng mga awtoridad ang nasilip na dalawang motibo hinggil sa vaccine slot for sale controversy.
Nangako si Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar na hindi makakalusot sa mga awtoridad ang mga nasa likod ng naturang online scam.
Una aniyang posibleng motibo ay makapanloko lamang kaya’t nabuo ang scam na ito para pagkakitaan at ang ikalawa naman ay posibleng ginagamit ito sa pulitika.
Tuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng CIDG at ACG, at lahat ng anggulo ay aming tinututukan kasama ang posibilidad na ito ay online scam lang o kaya politically motivated para siraan ang mga nabanggit na mga local government units.
“Ganun pa man hindi titigil ang PNP para tugisin at managot ang mga taong nasa likod nito. Hinihikayat ang ating mga kababayan na ipagbigay-alam sa inyong PNP through our ESumbong kung makakatanggap kayo ng gantong klaseng offer lalo na sa inyong mga social media accounts,” ani Eleazar.
Lumalabas sa imbestigasyon ani Eleazar, may partikular lamang na tao ang inaalok ng umano’y nagbebenta ng slot para sa bakuna kontra COVID 19 na tanging ang mga Lokal na Pamahalaan lang ang may access. (Josephine Patricio/Mark Obleada)