Advertisers
AMINADO si Justice Secretary Menardo Guevarra na walang pang batas na maaring makapagpilit sa isang mamamayan na magpabakuna laban sa COVID-19.
Ito ang paglilinaw ni Guevarra kasunod na rin ng banta nitong Lunes ng gabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga residente na aarestuhin kung nagmamatigas pa ring magpasailalim sa vaccination program ng gobyerno.
Ani Guevarra, maaring gumamit lamang ng mabibigat na salita ang pangulo upang bigyang diin ang pangangailangan ng bansa na magpabakuna na ang mamamayan upang makamit sa lalong madaling panahon ang tinatawag na herd immunity.
Paliwanag naman ni Guevarra, sa ngayon hindi pa mandatory ang vaccination drive at wala ring batas na mag-criminalize sa mga tumatangging magpabakuna.
Tinawag pa ni Guevarra, na ang pangulo na isa ring abogado ay alam naman nito na ang hindi pagpapabakuna ng isang tao ay isang “legal choice.”
Samantala, nilinaw din ni Presidential Spokesman Harry Roque na wala pa tayong batas na maaring arestuhin ang mga indbidwal na tatangging magpabakuna.
Paliwanag ni Roque, kailangan muna maipasa ang batas na nagpapataw ng kaukulang parusa sa mga tatangging magpabakuna.
Gayunman, maaring gamitin ng Pangulo ang police power, na bagama’t may malalabag na karapatang pantao, ay legal pa rin upang maprotektahan ang karapatan ng mas nakararami. (Jonah Mallari)