Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SA isang panayam, natanong ang singer-actress na si Rita Daniela na bida sa Kapuso teleseryeng “Ang Dalawang Ikaw” kung posible bang mauwi sa totohanan ang love team nila ni Ken Chan.
Marami na kasing followers ang Ritken at talaga namang kinikilig sa kanilang on and off screen na tandem.
May mga faney din na nagwi-wish na mauwi na sa tunay na relasyon ang reel teamup ng kanilang mga idolo.
Ayon naman kay Rita, marami na raw ang pinagdaanan nila ni Ken.
Thankful din daw siya dahil malaki ang nagawa sa kanyang career ng pagtatambal nila ng actor na talaga namang tinangkilik ng balana.
Pero sa ngayon daw ay malinaw para sa kanilang dalawa ni Ken ang prayoridad nila.
Napakalaki rin daw ng tiwala sa kanila ng kanilang network kaya ayaw nila itong sayangin.
Nanghihinayang din siya na baka mauwi lang sa wala ang kanilang pinaghirapang pareho ni Ken kung sakaling uunahin nila ang usapin ng puso.
“Sisirain ba namin ‘yun dahil lang we want to be together in real life? Saka, ganito lang ‘yan, kapag naging boyfriend ko si Ken, I’ll lose him as my friend – as my best friend. So, kapag hindi nag-workout ‘yung relationship namin, malu-lose ko s’ya… malu-lose ko ‘yung best friend ko… malu-lose ko ‘yung boyfriend ko. So, ano’ng mas pipiliin ko?”
Sa nasabing teleserye, muling magpapamalas ng galing sa acting ang Ritken.
Relevant daw ang tema ng soap dahil tatalakay ito sa dissociative identity disorder (DID), isang mental condition na ang isang tao ay nagkakaroon ng multiple personality.
Ang tambalang Ritken ay nakilala sa mga teleseryeng My Special Tatay at One of the Baes.