Advertisers
INAASAHANG magsasagawa ang Commission on Elections (Comelec) ng deliberasyon sa resolusyong ipinalabas ng Senado na humihiling na palawigin pa nila ang voter registration sa bansa, dahil nakasalalay aniya dito ang budget ng poll body para sa susunod na taon.
“Ngayon may Senate resolution na e. Hindi na mai-ignore ng Comelec ‘yan dahil ang budget namin nand’yan. Ibang usapan naman ang Senate resolution. Mabigat naman ‘yan,” ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, sa panayam sa radyo at telebisyon. “So, I’m sure si [Comelec Chairman Sheriff] Abas, i-schedule niya ‘yan bukas sigurado ako diyan,” aniya pa.
Kasabay nito, ipinaliwanag ni Guanzon na unang nagdesisyon ang Comelec en banc laban sa panukalang pagpapalawig sa voter registration dahil sa kakulangan ng sapat na oras para sa preparasyon ng mga paraphernalia para sa halalang nakatakdang idaos sa susunod na taon.
Sinabi ni Guanzon na base sa timeline ng Comelec, ang listahan ng mga botante ay dapat na maisapinal sa Disyembre. Ang pag-iimprenta naman ng mga balota ay dapat na matapos sa Enero.
Sa kasalukuyan aniya, mayroon nang mahigit 62 milyong botante na nakarehistro at mayroon pang nasa isang milyong first-time voters ang hindi pa nagrerehistro.
“Right now, mayroon tayong 62 million plus na naka-rehistro na. ‘Yung kabataan na target, may kulang pa tayong one million,” aniya pa.
Base sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang nasa apat na milyon ang mga Pinoy na sasapit sa ika-18 taong kaarawan hanggang sa araw ng botohan sa Mayo 9, 2022.
Muli rin naman niyang hinikayat ang publiko na magpa-reactivate na ng kanilang voter registration upang makaboto sa nalalapit na halalan.
Nauna rito, noong Lunes ay ipinanukala ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na tapyasan ang budget ng Comelec kung tatanggi pa rin itong pagbigyan ang panawagan nilang palawigin pa ang voter registration period. (Andi Garcia)