Advertisers
Patay ang mag-asawang senior citizen nang tupukin ng apoy ang kanilang bahay sa napabayaan kandila na nakasindi sa bayan ng Maramag, Bukidnon, Miyerkoles ng gabi (Setyembre 22).
Kinilala ang mga nasawi na sina Fedencio, 89; at Condrada Joromat, 83, pawang residente sa Purok 15, CMU-Musuan, Brgy. Dologon, Maramag, Bukidnon.
Ayon kay Maramag Police Station commander Lt Col Julius Clark Macariola, naganap ang insidente sa tahanan ng mag-asawang Joromat, na nawalan ng kuryente sa bahay kaya inutusan nila ang kanilang apo na bumili ng kandila para pansamantalang liwanag.
Makalipas ang ilang oras, nagulat na lamang ang mga apo ng mag-asawa na lumiliyab na ang buong kabahayan kaya unang pinalabas ng mga bahay ang mga bata.
Subali’t mabilis na kumalat ang apoy sa buong kabahayan kaya hindi na nagawa pang makalabas ng mag-asawa at nakasama ang mga itong nasunog.
Inaalam na ng mga awtoridad ang halaga ng mga ari-arian tinupok ng apoy.