Advertisers
INIHAYAG ng isang grupo ng mga eksperto na kanser ang pangalawang mapanganib na sakit sa bansa na ikinamamatay ng maraming Pilipino.
Sinabi ni Dr. Dario Jun Lapada Jr., ng Cancer partylist na noong nakaraang taon, mayroong 153,751 na Filipino ang nagkasakit ng kanser.
Sa naturang bilang, may 92,606 o 60 porsiyento ang pumanaw at 10 ang pumapanaw sa sakit na kanser sa Pilipinas kada oras, araw-araw.
Kabilang sa mga sakit na ito ang breast cancer, lung cancer, colorectal cancer, liver cancer at prostate.
Ayon pa kay Dr. Lapada, mayroon namang lunas ang kanser ngunit napakamahal ng mga gamot ng isang pasyente.
Kaugnay nito naghain nitong Biyernes ng umaga ang binuong grupo para makatulong sa mga pasyenteng maysakit na kanser, ang CANCER Partylist, na ki-nabibilangan ng mga nominate na sina Dr. Dario Lapada, Jr., Atty. William, Ms. Arcie Fabon, Dr. Bryan Brosas, Dr. Jesserick Battad Jr., at Catherine Robquillo.
Ayon kay Lapada na nais ng kanilang grupo na magkaroon ng boses sa Kongreso para pahabain ang buhay ng mga may kanser.
Aniya, ‘kahit may cancer ka, may pag-asa pa.’ At sa hirap ng buhay ngayon para sa mga may sakit isinulong nila ang nasabing partylist upang matulungan ang mga may kanser.
At hindi lang sa mga may cancer sila tutulong kung di sa mga aspetong medikal din.
Dagdag nito na ang kanser di lang sakit ng isang tao kung di damay ang buong pamilya lalo na sa mga gastusin.
Sinabi pa ni Lapada na kapag nakapasok sa Kongreso ang Cancer partylist mas maraming maysakit ang kanilang matutulungan. May mga batas sa kanser subali’t hindi naman ito nabibigyan ng atensiyon ng gobyerno at ‘di rin nilalabasan ng budget.
Adbokasiya ng grupo na pahabain ang buhay ng mga pasyenteng may kanser.
At para sa grupo nais nila ang maupong pangulo ng bansa ang may pagpapaha-laga sa kalusugan ng tao.