Advertisers
KARUMAL-DUMAL na kamatayan ang sinapit ng isang babae sa loob ng sarili niyang bahay sa Camarines Norte.
Kinilala ang biktima na si Anna Carmella Soterio, 23 anyos, ng Purok 1, Poblacion, Sta. Elena, Camarines Norte.
Sa report, nangyari ang pagpatay kay Soterio sa loob ng kanyang bahay. Nadiskubre ang kanyang bangkay Martes ng umaga dahil sa nagkalat na dugo sa paligid.
Ayon sa ulat, pinutol ang kamay at halos nahiwalay ang ulo sa katawan ng biktima.
Wala ring saplot na pang-ibaba ang biktima kaya pinaniniwalaang ginahasa ito.
Ayon sa nanay ni Soterio, na hindi nagpakilala, gigisingin sana niya ang kanyang anak para samahan siya sa bayan at bumili ng construction materials pero hindi ito sumagot kaya pinasok na niya ang bahay. Doon niya nakitang naliligo sa sariling dugo ang anak.
Nakita rin nito ang 4-anyos na anak ng biktima na mahimbing pang natutulog katabi ng bangkay. Kinuha niya agad ang apo at tiningnan kung may taga rin. Wala naman itong sugat.
Pero nawawala ang pitaka ni Soterio na naglalaman umano ng P10,000 at cellphone nito.
Ayon kay Police Major Kim Lawrence Arenas, hepe ng Sta. Elena Municipal Police Station, posibleng matagal nang minamanmanan ng salarin ang biktima. Posible rin na kilala ng biktima ang alarin at may matinding galit ito para gawin ang karumal-dumal na krimen.
Labis na ipinagtaka ng magulang ang insidente dahil wala umanong kaaway ang anak at hindi palalabas. Palaisipan din sa awtoridad ang krimen dahil magkakaanak ang mga residente ng purok.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente.