Advertisers
ITINUTULAK ni Davao Oriental 2nd district Rep. Joel Mayo Almario na ipagpaliban ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa susunod na taon.
Sa House Bill 10425 na inihain ng mambabatas, ipinapanukala na mula sa December 5, 2022 na petsa salig sa inamyendahang RA 9164 ay iurong ang BSK Elections sa May 2024.
Sa explanatory note ng kongresista, tinukoy nito na sa May 2022 elections ay maghahalal ng bagong mga opisyal ang taumbayan, kasama na dito ang BSK officials.
Kung itutuloy ang December 2022 BSK elections ay hindi sasapat ang panahon para sa mga bagong opisyal upang makapaglatag at maipatupad ang COVID-19 response sa kanilang barangay.
Pagbibigay diin ng kinatawan, ang mga barangay officials ang frontliners sa pagbibigay ng basic government services at first line ng defense sa local government sa pagtugon sa pandemiya.
Bunsod nito, malaki ang pangangailangan ng continuity sa laban kontra sa nakahahawang sakit. (Henry Padilla)