Advertisers
WALA nang makapipigil pa sa pagpalaot sa pulitika ni ex-PNP Chief Gullermo Lorenzo T. Eleazar, tinugon nga nito ang panawagan ng milyon-milyong Pinoy na ipagpatuloy nito sa Senado ang paglilingkod sa sambayang Filipino, at kung tadhana nga nito ang maging isang senador ng Republika ng Pilipinas ay masusulat ito sa kasaysayan sa mga kaganapang darating sa May 9, 2022 elections.
Marami ang nagalak sa naging desisyon ni Guillor ( palayaw ni Eleazar) nang ipasya nitong sumapi sa Partido Reporma, ang lapiang pinamumunuan ni presidential aspirant Panfilo Lacson, na isa ring dating namuno at nag-angat sa noon ay naghihingalong organisayon ng Pambansang kapulisan.
Kaisa naman ni Eleazar si Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin na nagpahayag ng kanyang pananalig sa kakayahan ng pambato ng CALABARZON, buong Kalakhang Luzon at maging ng Kabisayaan at Mindanao.
Ayon pa kay Locsin ay napakapalad ng bansa kapag inihalal ng mga mamayan nito ay ang isang de kalidad na kandidato na magagamit ang kaalaman sa seguridad ng mamayan at katiwasayan ng lipunan.
Samantala, hindi naman ikinahiya ni Eleazar na aminin na idolo nito si Senador Lacson sa kanyang working-style,mga misyon at pananaw para maiangat ang kalagayan ng kanilang mga mamamayan.
Halos nagkakaisa silang dalawa sa pangunahing misyon, tulad din ng paniniwala ng kanilang mga kasapi sa lapian, ang ipaglaban at panindigan ang ating kasarinlan sa West Philippine Sea (WPS).
“Kapag ang ipinaglalaban natin ay ang soberenya ng ating bansa ay hindi naman nangangahulugang papasok na tayo sa digma, ang pakikipag-giyera ay siyang ultimong saksripisyo ng isang nasyon na hanggang maaari ay ating iiwasan na mangyari sa ating henerasyon.
Kailangan lamang ay ang diplomatikong pakikipagtalastasan ngunit ipakita namang hindi tayo bibtitiw at di papayagan na sakupin ng ibang lahi ang pag-aari nating karagatan, mga bahura at likas na yaman na nais angkinin ng mga banyagang bansa”, ang paglalahad ni Eleazar.
Inihalimbawa ni Eleazar ang mga pinuno ng mga bansang Indonesia at Vietnam na dapat tularan para iipakita ang matatag na pagsalungat natin sa pagiging agresibo ng mga Intsik sa WPS.
Bilang patunay sa kanilang matigas na posisyon kamakailan ay lumipad sina Eleazar at Lacson patungo sa Pag-asa Island, sakop ng Spratly Group of Archipilago na bahagi ng Palawan para ipakita ang kanilang commitment sa sambayanan at sa mga residente doon na karamihan ay mga mangingisda.
Kasama din ng dalawa Partido Reporma Secretary General at dating House Speaker Pantaleon Bebot Alvarez, Davao del Norte Governor Edwin Jubahib at ilang iba pa nang palihim na tumulak patungo sa nasabing isla.
“Kakaibang itong aming karanasan nang lumapag sa Pag-asa Island, ang nag-iisa sa mga pulo ng Pilipinas na siyang simbolismo ng kakanyahan nating mga Filipino, lalo pang pinag-alab ang damdamin natin habang tinutugtog ang Pambansang Awit at itinataas ang dala naming watawat”.
Taglay ng grupo nina Lacson at Eleazar ang bagong Philippine flag at pinalitan ang pinagluma na ng panahon na Filipino flag doon.
“Ramdam na ramdam natin bilang isang makabayan na handa nating ialay ang ating sariling buhay kung kinakailangan alang-alang sa ating bansa at mamamayan”, ang pagsasariwa ni Eleazar sa madamdaming tagpo sa pagitan ng kanilang grupo at ng halos ay may 200 residente naturang isla.
Hindi lamang ang suliranin ng bansa sa isyu ng WPS ang nais tutukan ni Eleazar kundi kung paano makakatulong sa pag-aahon ng bansa sa gitna kahirapan at pandemya.
Alam ni Eleazar na magagamit nito ang kanyang mahigit sa 38 taon na karanasan sa pagsisilbi sa pamahalaan para maka-ugit ito ng panukala sa senado para palakasin ang ekonomiya ng bansa.
“Kailangan ng mga mamamayan ang trabaho at pagkikitaan, kaya nga kailangan nating maibangon, mabuksan at muling mapasigla ang industriya at mga kalakalan, maipagpatuloy ang gawain ng mga sektor ng propesyonal, magsasaka, manggagawa, mangingisda, maninilbihan sa pribadong negosyo at pamahalaan.
Nais natin na silang lahat ay mamuhay sa isang mapayapang pamayanan, ligtas laban sa mga kriminalidad, adiksyon, bawal na sugal at korapsyon”, pagdidiin pa ni Eleazar…
***
Para sa komento: 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.