Advertisers
TILA hindi tumagos sa Philippine National Police (PNP) ang ‘NO TAKE POLICY’ ni PNP Chief, Gen. Dionardo Carlos.
Ito ang isang example na hindi na na-absorb ng ilang tiwali sa hanay ng PNP ang direktiba ng hepe ng pambansang pulisya.
Sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at Southern Police District (SPD), isang alyas PASCUAL at alyas JUSTIN ang nagpakilalang mga pulis at sagradong bata ng ilang opisyal ng NCRPO at SPD na nangongolektong ng “weekly payola” para diumano kina NCRPO Chief, Gen. Vicente Danao at SPD Director Gen. Jimili Macaraeg?
Ang tanong, alam kaya ng mga nabanggit na PNP official na kinakaladkad ang pangalan nila sa katarantaduhan nitong mga nagpapakilalang pulis na KOLEKTONG ng PASAY at PARAÑAQUE.
Ayon sa reklamo, “KOLEK-TONG AT LARGE” itong sina PASCUAL, JUSTIN, ARBIE at RICKY sa lahat ng illegal vices maging sa 1602 sa Pasay City at Parañaque City.
Ang ibig sabihin umano ng kolek-tong at large ‘ay ‘yung namamahala sa koleksiyon mula sa prostitusyon o bahay aliwan, gaya ng mga Karaoke Bar, KTV bar at Entertainment Clubs sa areas of responsibility (AOR) ng SPD at NCRPO.
Sina PASCUAL at JUSTIN rin ang itinuturong ‘tongpats’ ng Jueteng queen sa Southern Metro na si alias Joy Rodriguez!
Kumbaga, limpak na kuwarta ang nakukuhang “weekly payola” nitong sina alyas PASCUAL at JUSTIN sa kabang yaman ng kanilang mga inginungusong bossing?
Aba, NCRPO Chief Gen Vicente Danao at SPD Director Gen Jimili Macaraeg, mga Sir, bakit nakalulusot ang ganyang kostumbre or shall we say ‘raket’ sa Areas Of Responsibility ninyo?!
Aba ‘e anong masasabi ninyo sa ganitong Sistema?!
Ayon masaklap ipinangangalandakan diumano nitong sina alyas Pascual at Justin sa kanilang “kotong activity” ang malinis na pangalan nina Gen. Danao at Gen. Macaraeg ayon sa ilang mga night club owners at managers ng mga damuhong KOLEKTONG?
2 “KOLEKTONG” SA PASAY AT PARAÑAQUE, KINONDENA NG ILANG BARANGAY OFFICIAL AT MGA KTV BAR OPERATOR
Samantala wala rin umanong habag at konsensiya itong alyas ARBIE at RICKY na kapwa nagpapakilalang “kolektong” din na gumagamit sa pangalan nina DID PLT. Col Renante Galang at Parañaque City Chief of Police P/Col. Maximo frial Sebastian Jr.
Iniikutan umano ng dalawang ito ang mga mga beer house, KTV Bar, Club at SPA sa lungsod ng Pasay at Parañaque ang puwersahang nananakot.
Kinondena naman ng ilang mga barangay officials at mga KTV Bar owner at managers ang pangongotong na ito nina ARBIE at RICKY na pansamantalang pinayagan ng LGUs sa mga nasabing lungsod para kumita ng pera ngayong KAPASKOHAN habang may pandemya.
Marami sa mga beer house na ito ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa sunod-sunod na lockdown dulot ng salot na covid-19 at ngayon pa lamang bumabangon ang kabuhayan.
Walang kapatawaran ang mga mali at garapal na gawaing ito ayon pa sa mga galit na galit na mga barangay officials at KTV Bar operators.
Ang mga ganitong pangongotong ay gawain lamang ng mga walang konsensiya at batugang tao.
Posibleng nagagamit lamang at kinakaladkad nina alyas ARBIE at RICKY ang pangalan ni Col Galang at Col Sebastian na di kapani-paniwalang papatol sa ganito kagarapal na diskarte.
Hinihiling din ng ilang mga barangay officials ng Pasay City at Parañaque City kay Col. Galang at Col Sebastian na arestuhin sina alyas ARBIE at RICKY na ni-name drop ang kanilang pangalan.
Dapat ding turuan ng leksyon itong sina ARBIE at RICKY upang di pamarisan ng iba.
Hinihikayat din ng mga barangay officials ang iba pang posibleng kinokotongan nina RICKY at ARBIE na magsumbong sa mga barangay upang maidukomento ang reklamo nila laban sa dalawang kotongero.
Pwede rin umanong direktang magreklamo sa PNP Integrity Management and Enforcement Group (IMEG) sa Camp Crame na responsable sa paghuli at pag-aresto sa mga nangongotong na miyembro ng kapulisan.
Laan umanong tulungan ng mga barangay officials ang mga kaawa-awang mga maliliit na BEER HOUSE na magsampa ng reklamo laban sa mga korap at scalawag policemen sa tanggapan ng IMEG.
Napag-alaman na P10K kada lingo ang hinihingi nila ARBIE at RICKY sa operator ng mga night clubs .
May kasunod… ABANGAN!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com.
Ugaliing makinig sa programang “BALYADOR” at “WALANG PERSONALAN TRABAHO LANG” mula lunes hanggang linggo 11:00am-12:00noon sa RADYO NG MASA entertainment net radio. tuwing sabado at linggo 12:00nn-12:30pm sa DWBL 1242 kHz am band, tuwing martes 9:30am RADYO NATIN 105.3 FM Pinamalayan at 10:00am RADYO NATIN 102.9 FM Victoria, tuwing huwebes 9:00-10:00am sa 96.9 FM RADYO NATIN Calapan City. Mapapanood livestreaming at Youtube live!