Advertisers

Advertisers

Single fight sa mayoral race sa lungsod ng Maynila

0 405

Advertisers

INAASAHAN ng marami ang isang kapana-panabik na laban sa Mayoral race sa Lungsod ng Maynila sa pagitan ng dalawang kandidato.

Ilang political analyst at eksperto ang nagsasabing isang single fight sa pagitan ni Vice Mayor Honey Lacuna at Atty. Alex Lopez ang magiging mainit na dapat abangan at antabayanan.

Si Lacuna at si Lopez ay nabi-bilang sa mga angkan at pamilya ng mga antigong politiko na minsan na rin humawak ng mataas na posisyon sa Maynila.



Si Dra. Honey Lacuna ay anak ni dating Manila Vice-Mayor Danny Lacuna na halos dalawang dekadang naka-upo sa nasabing posisyon samantalang si Atty. Alex Lopez naman ay anak ni dating Manila Mayor Mel Lopez at kapatid din ni 1st district Cong. Manny Lopez.

Isang mainit na labanan at close fight sa pagitan ng dalawang kampo ang inaantabayanan ng halos lahat ng Manilenyo sa May 2022 Election.



Sa isang panayam kay Lopez, sinabi niya na panahon na upang baguhin at palitan na ang mga kasalukuyang nakaupo ngayon sa city hall na walang ibang dinulot kundi pahirapan ang masa at mahihirap na mga mamamayan partikular na ang mga vendor para lamang sa sarili nilang interes.

Hindi naman aniya kailangan pagtabuyan itong parang mga hayop para lang sa kapakanan ng ilan kilalang negosyante na ngayo’y namamayagpag sa Divisoria at iba pang lugar na kalakalan.



Dapat daw ay inayos at dinisiplina na lang muna ang mga ito sang-ayon sa mga batas at ordinansa nilang dapat tuparin, bigyan ng paliwanag dahil alam naman siguro ng mga ito ang kanilang limitasyon.

Napag-alaman din na dating number one pala ang Maynila sa pinakamataas ang revenue nguni’t ngayon daw ay number 3 na lang dahil nilagpasan na ng Quezon city at Makati city.

Bilang isang ekonomista, sinabi rin ni Lopez na hindi ito ang tamang panahon upang maging priyoridad ang inprakstura. Sayang lang daw ang ginastos ng pamahalaang lungsod matapos na ipagiba ang ilang gusali na mabuti pa naman daw ang kondisyon, isang halimbawa daw nito ang Albert school.

Sinabi rin ni Lopez na dapat inuna ng lungsod ang problema sa employment na nagiging sanhi ng malubhang kahirapan lalo na sa panahon ng pandemic. Hirap na nga naman ay lalo pang pinahihirapan. Mantakin niyo kung ilan kababayan natin ang nawalan ng trabaho dahil sa mga pinapatupad na mga community quarantine at walang kamatayang mga lockdown.

Idinagdag din ni Lopez na dapat na may paglagyan umano ang 22 Bilyon budget ng lungsod partikular pa ang iba pang inutang.

Mas maganda daw siguro na pinautang na lang muna sa mga maralita ang malaking bahagi ng pondo upang maski papaano ay maging puhunan sa negosyo at para maka-kuha man lang sila ng panawid-gutom sa araw-araw lalo na sa panahong ito ng pandemya.

Sa ganitong paraan ay malaki nga naman ang posibilidad na ito ay lumaki o lumago. Hindi man ito lumaki o kaya ay malugi, pwede na ring abonohan ito ng pamahalaang lungsod kaysa mapunta lang sa kung ano-anong proyektong walang katuturan ang pondo.

Ayon kay Lopez ay marami pa daw siyang plano sa ikakaunlad ng Maynila kung siya ay papalarin at mabigyan ng pagkakataon na mahalal bilang Alkalde.

Sa panig naman ni Lacuna, sinabi niya na wala siyang ibang hangad kundi ang ipagpatuloy ang mga magagandang proyekto at programang inumpisahan ni Yor-Me Isko Moreno na ngayo’y kuma-kandidato naman bilang Pangulo ng Pilipinas.

Inaasahang mapopoko ni Lopez ang mga botante sa District 1 at District 2 sa Tondo kasama na rin ang District 6. Ang mga lugar na ito ay sinasabing malakas na balwarte ng mga Lopez.

Super tatag naman daw si Lacuna sa District 3, District 4 at District 5 na kung saan solid na solid daw ang mga botante sa tandem na Honey-Yul Servo.

***

WISHING YOU BOTH THE BEST OF LUCK… SINO MAN SA INYO ANG MAGTAGUMPAY, WALANG IBANG HANGAD ANG MGA MANILENYO KUNDI ANG GANAP NA PAG-BABAGO AT PAG-UNLAD NG LUNGSOD NG MAYNILA… KUNG SAAN ANG MAYNILA, NANDOON ANG BANSA…